SA kabila na napaka-higpit na ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga bus na nasasangkot sa aksidente, marami pa ring drayber ang hindi nagkakaroon ng leksiyon at patuloy pa rin sa bara-barang pagmamaneho. Hindi pa rin tumatatak sa isipan ng mga drayber na dapat silang mag-ingat sapagkat maraming buhay ang nasa kanilang mga kamay. Sa kanilang kawalang ingat at bara-barang pagmamaneho, inilalagay nila sa panganib ang mga kawawang pasahero. Kulang pa marahil ang ginagawa ng LTFRB na paghihigpit para ganap na tumatak sa kanilang isipan ang pag-iingat.
Kahapon, 20 pasahero ng Southern Carrier Bus ang nasugatan nang bumaliktad ito sa Southern Luzon Expressway sa Sta. Rosa City, Laguna. Naganap ang insidente dakong 6:15 ng umaga na naging dahilan para magsikip ang trapiko. Patungong Batangas ang bus nang maganap ang sakuna. Natanggal ang kanang gulong ng bus kaya ito bumaliktad at sumadsad sa highway. Dalawang lane ang sinakop kaya umabot sa apat na kilometro ang trapiko. Isinugod sa San Jose Hospital at Biñan Doctors Hospital ang mga nasugatang pasahero.
Noong Sabado ng umaga, tatlong bus ang nagkarambola sa Philcoa, Quezon City. Umano’y nag-uunahan sa pagkuha ng pasahero ang tatlong bus kaya nagkabanggaan. Nasa 20 pasahero ng mga bus ang nasugatan. Pawang sa ulo at mukha ang kanilang sugat sapagkat tumama sa bakal na upuan.
Ayon sa LTFRB, ipapatawag nila ang mga may-ari ng tatlong bus para pagpaliwanagin at mabigyan ng kaukulang parusa. Tama ang aksiyon ng LTFRB. Sana rin, gumawa na agad ng aksiyon sa Southern Carrier Bus. Imbestigahan kung bakit natanggal ang gulong. Maaaring hindi dumaan sa maintenance check-up ang nasabing bus at takbo lang nang takbo para kumita.
Inaasahan namin ang pagkastigo ng LTFRB sa mga nabanggit na bus na nagdulot ng perwisyo sa mga kawawang pasahero.