Flight MH370 dinukot ng mga Alien?

NABUHAY na muli ang isyu ng mga Alien o E.T. (extraterrestrial) sa patuloy na paghahanap sa nawawalang Malaysian Airlines. Baka raw pinasabog o kinuha ng mga Alien ang Flight MH370 na may lulang 239 pasahero habang patungo sa China mula sa Malaysia noong Marso 8.

Mahigit 20 bansa na ang nagtulong-tulong at ginamit na ang lahat ng klase ng teknolohiya pero hindi pa rin matunton ang kinaroroonan ng eroplano. Walang makitang bangkay o labi ng eroplano. Puro ispekulasyon pa lang ang umano’y mga debris na namamataan ng satellite pero wala pa ring makita ang mga kinauukulan.

Naungkat na at itinanggi ang teorya na baka na-hijacked ng mga terorista ang eroplano dahil wala namang terorista o hijacker na nagpapalabas ng pahayag o humihingi ng anumang ransom o ibang demand. Hininala namang nag-suicide ang piloto. Kinukuwestiyon na nga kung bakit ang isang napakalaking eroplano ay hindi makita pero nagagawa nating matunton ang nawawalang bata o isang kotse o barko.    

Hanggang sa lumitaw ang isyu ng mga Alien bagaman para namang walang sumiseryoso rito. Parang napakagandang rason ang mga Alien sa problemang hindi malutas-lutas ng tao sa kabila ng naiimbentong mga makabagong teknolohiya. Basta na lang siya nawala sa radar. Meron na ngang mahuhusay na telescope na nagagawang silipin ang pinakamalayong mga planeta sa labas ng solar system o galaxy pero hindi natin makita ang isang bagay mismo dito sa ating sariling planeta.

Wala pang malakas na pruweba na merong ibang nabubuhay na nilalang sa ibang planeta o sa malalayong sulok ng universe. Pero, kung meron man, e di sana meron nang umambus o nakialam sa mga robotic spacecraft at iba pang mga instrumento sa pananaliksik na ipinapadala ng mga dalubhasa sa ibang planeta tulad sa buwan at Mars. Ang mga astronaut na maraming buwan  o taon na “tumatambay” sa International Space Station ay nakakabalik pa nang buhay sa daigdig.

 

Show comments