MAINIT ang isyu ukol sa Agreement on Enhanced on Defense Cooperation. Ang kasunduan daw na ito ang magiging daan para ganap na makabalik sa bansa ang US military bases. Pero sabi ng Malacañang, hindi raw magkakaroon ng US bases o babalik ang tropang Amerikano sa bansa. Ang bagong agreement daw ay pag-iimplement lamang sa general provisions ng Mutual Defense Treaty at ng Visiting Forces Agreement.
Lalo pang naging mainit ang isyu nang sabihin ni Sen. Miriam Defensor-Santiago na kailangang busisiin ng Senado ang bagong agreement. Sinabi pa ni Santiago na ang pagpapakita ng war equipment ng dayuhang bansa ay hindi maliit na isyu. Dapat daw itong pag-usapan nang malaliman at kailangang makialam ang Senado. Iginiit naman ng Malacañang na hindi na kailangang dumaan pa sa Senado ang tungkol sa agreement. Sabi pa ng Malacañang hintayin na lang daw ng Senado ang kalalabasan ng agreement.
Hindi maliit na isyu ang tungkol sa agreement na ito. Dapat itong mabusisi sapagkat baka isang umaga, ay magising na lamang ang mamamayan na nakatayo na naman ang mga base ng Amerika sa bansa. Tama lamang ang sinabi ni Santiago na ang pagpapakita ng mga kagamitang pandigma sa ating bansa ng dayuhan ay hindi dapat isantabi. Kailangang magkaroon ng malinaw na pagsisiyasat ukol dito. Dapat ngang makialam ang Senado sapagkat sila ang may karapatang kumuwestiyon sa ikinikilos ng gobyerno at nang dayuhan na may kaugnayan sa base military.
Maaaring ang tensiyon sa West Philippine Sea ang sinasamantala ng US para igiit ang pagtatayo ng base militar. Matagal nang isyu ito at kaya lamang hindi makakilos nang husto ay sapagkat maraming tumututol. Pero sa panibagong isyung ito ay naaalarma ang marami na maaari ngang magbalik ang mga Kano. Sasamantalahin ang pambu-bully ng China para magkaroon ng katwiran. Kailangang maging mapagmatyag ang lahat.