‘Pasadang di pasado’

ANG kakulangan sa kaalaman ng batas ay hindi sapat na dahilan para ikaw ay hindi mapatawan ng karampatang parusa.

“Wala naman akong kasalanan tapos nung mahuli ako pinabayaan na lang ako. Hindi man lang siya tumulong na maayos ang problema,” simula ni Wahren.

Ika-30 ng Oktubre 2012…habang minamaneho ni Wahren Ayes, 31 taong gulang ang pampasaherong dyip sa Bluementritt extension lumapit sa kanya ang ‘traffic enforcer’ na si Edwin Basal.

“Pinahinto niya ako. Ang ruta ko nun Retiro-Bluementritt. May pasahero pa ako nun,” ayon kay Wahren.

Pinabaklas ni Edwin ang plaka at kinuha ang lisensiya ni Wahren. Pagkatapos ay tinekitan siya nito.

“Tawagan mo ang may-ari,” sabi umano ni Edwin.

Agad namang kinontak ni Wahren ang may-ari ng dyip na si Nilo Ebasco ngunit wala ito sa Maynila ng mga panahong yun.

“Ang anak na lang ang namamahala nun kasi patay na ang tatay niya,” ayon kay Wahren.

Bilin sa kanya ni Edwin tubusin na lamang daw ang kanyang lisensiya sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Main office at agad na siyang pinaalis.

“Mula nun hindi na ipinasada ang dyip. Hindi ko alam kung sa’n na nila nilagay,” kwento ni Wahren.

Lumapit din si Wahren kay Nilo upang magpatulong na tubusin ang kanyang lisensiya.

“Oo lang siya ng oo pero wala namang nangyayari,” ayon kay Wahren.

Pebrero 2013  nang magpunta siya sa tanggapan ng MMDA upang tubusin ang kanyang lisensiya.

Nagdala na sila ng Php4,500.00 bilang paghahanda sa babayaran upang matubos ang na­sabing lisensiya.

Pagkarating niya sa opisina ng MMDA napag-alaman niyang wala siyang ‘violation’ kundi ang dyip mismo ang may problema.

Ayon sa tala ng MMDA halagang Php6,450.00 ang kabuuang babayaran niya bago maibalik ang lisensiya. Hindi nakarehistro ang dyip at kolorum umano ang operasyon nito kaya siya nahuli.

“Sobrang laki nun para sa amin. Hindi namin kaya dahil wala akong trabahong regular. Ang asawa ko nagtitinda-tinda lang ng pagkain,” salaysay ni Wahren.

Lumapit ulit si Wahren sa may-ari ng dyip upang makiusap. “Bahala ka na sa buhay mo. Bahala ka ng magtubos!” sabi umano ni Nilo.

Nawalan na ng pag-asa si Wahren na tutulungan siya ni Nilo.

“Mabuti na lang may lumapit sa akin na isang may-ari ng dyip at hinayaan niya akong ipasada ito para may mapagkakitaan,” ayon kay Wahren.

Nag-ingat na lang siya sa pagmamaneho dahil hindi niya pa natutubos ang kanyang lisensiya at tiket lamang ang kanyang hawak.

Ilang buwan pa lang niyang ipinapasada ang dyip nasira naman ito kaya’t naiwan na nakatengga. Dito na tumira ang pamilya ni Wahren. Umeekstra na lang siya sa talyer para may pantustos sa pamilya.

“Ang hinihiling lang naman namin kay Nilo tulungan ako sa pagtubos kahit hati kami dahil ang dyip naman niya ang may problema at hindi ako,” sabi ni Wahren.

Nais malaman ni Wahren kung maaari bang mabawasan ang kanyang bayarin sa MMDA para matubos na ang kanyang lisensiya at mu­ling makapamasada. Ito ang dahilan ng paglapit niya sa aming tanggapan.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Bi­yernes 2:30pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Wahren.

BILANG TULONG ini-refer namin siya sa Chairman ng MMDA na si Atty. Francis Tolentino upang malaman kung ano ang maaari niyang gawin nang sa gayon ay makuha na ang kanyang lisensiya.

Sumagot naman sa amin si Atty. Tolentino at ipinaalam niya na nai-forward na ang problema ni Wahren sa Legal & Legislative Affairs Service ng MMDA.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, nagkalat ngayon ang mga pampublikong sasakyan na hindi naman legal ang mga dokumento. Tulad ng nangyari sa iyo Wahren, hindi nakarehistro at kolorum pala ang operasyon ng ipinapasada.

Hindi ko maintindihan kung bakit ang drayber ang papatawan ng pagkalaki-laking penalty gayung wala naman siyang kasalanan dahil hindi niya alam na kolorum ang kanyang ipinapasada maliban na lang kung ang kulay ng plaka ay hindi pang public utility vehicle (dilaw) at hindi niya tiningnan kung may rehistro ito. Dapat kasi bago ka magpasada ng pampublikong sasakyan o kahit na anong sasakyan nandoon ang ‘official receipt’ (or) at ‘certificate of registration’ (cr) na photocopy. Kapag wala yun mag isip-isip ka na baka kolorum nga ang iyong dala-dala sa kalye.

Ang masakit dito hindi ka man sinalo ng iyong operator at ngayon hangga’t hindi mo nababayaran ang multa na nilagay ng MMDA hindi mo makukuha ang iyong lisensiya. Yan ang batas na dapat sundin.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor City State Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.

Show comments