EDITORYAL - Nagpakasakit din si Cadet Cudia

NGAYONG araw na ito ang graduation sa Philippine Military Academy (PMA). At marami ang umaasa na mapapasama si Cadet Aldrin Jeff Cudia. Sana naman, mapabilang si Cudia sapagkat marami rin siyang pinagdaanang hirap habang nag-aaral sa PMA. Bago nakarating sa ikaapat na taon sa akademya, nagdanas siya ng hirap. At nang malapit nang magtapos, saka naman nangyari ang isang kamalian na naging dahilan para siya tanggalin sa military school. Inakusahan siya ng paglabag sa Honor Code makaraang magsinungaling. Dinismis siya ng honor committee sa botong 9-0 dahil sa pagsisinungaling makaraang ma-late ng dalawang minuto sa kanyang klase noong nakaraang Nobyembre 2013. Pinarusahan na si Cudia sa pamamagitan ng pagmamartsa sa buong paligid ng akademya. Pero hindi nagbago ang pasya at tinanggal din siya.

Ang masakit na parte rito ay ga-graduate sanang salutatorian si Cudia kung hindi nangyari ang insidente. Mataas ang grades ni Cudia na nagpapakitang nagbuhos siya nang talino, sipag at tiyaga para makuha ang matataas na marka. Nawalang lahat iyon dahil sa isang pagkakamali.

Kumalat sa internet ang kontrobersiya nang pagpapatalsik kay Cudia. Ang kanyang kapatid na babae ang nagpakalat at humihingi ng tulong kay President Aquino na tulungan ang kanyang kapatid na apat na taong nagsikap at nagtiyaga para makatapos sa PMA. Noong Martes, kasama ang kanyang ama, dumulog sila sa PAO lawyers para iapela ang kaso ni Cudia. Sabi ng PAO, malaki ang posibilidad na makasama sa gradua­tion si Cudia.

Ang huling baraha raw ay nasa kamay ni President Aquino. Tanging ang Presidente lamang daw ang maaaring makapagbigay ng hatol sa kaso ni Cudia. Siya ang commander-in-chief at walang hihigit sa kanya sa pagpapasya. Sana, pagbigyan si Cudia na maka-graduate. Naparusahan na naman siya.

Show comments