Matapos na pumutok ang istoryang pagkadakip kay Delfin Lee, unang pinuntiryang tawagan at kontakin ng media ay ang Commander ng Task Force Tugis na si Senior Supt. Conrad Capa.
Ito ay dahil sa ang kanyang unit ang siyang nakatunton kay Lee sa isang hotel sa Maynila.
Ilang linggong surveillance, ayon kay Capa ang kanilang ginawa bago nila nadakip ang sinasabing presidente ng Globe Asiatique na si Lee na sinasabing sangkot sa P6.6 bilyong housing scam.
Si Lee ay kabilang sa inilabas na top 5 most wanted ng PNP ay umano’y may patong pa sa ulo na dalawang milyong piso.
Hindi pala dyan matatapos ang istorya.
Eto ngayon, ilang araw matapos ang matagumpay na pag-aresto kay Lee, sinibak ang hepe ng TF Tugis na si Capa sa hindi malinaw-linaw na kadahilanan.
Napolitika, ito ang umuugong.
Inanunsyo na promosyon umano ang pagkaalis ni Capa sa task force at itinalaga bilang bagong pinuno ng Deputy Directorate for Operations sa PRO 7 sa Cebu o bilang number 3 man sa Command Group.
Pero kinontra ito ni Capa , na hindi naiwasang maglabas ng sama ng loob.
Nasaktan umano siya at maling sabihin na promosyon ang paglilipat at biglaang pagsipa sa kaniya sa puwesto.
Kung nais umano ng liderato ni Purisima na ma-promote siya ay may bakante sa PNP Headquarters sa Camp Crame at hindi kailangan na dalhin pa siya sa Cebu kung saan ay matagal pa ang kanyang hihintayin na maÂaring umabot ng anim na buwan para umangat sa puwesto.
Mukhang hindi lang si Capa ang nadismaya, tila dismayado rin ang ilan sa kanyang mga nasasakupan.
Pero ano nga kaya ang tunay na dahilan sa biglaang pagsibak kay Capa. Ayon sa ilang insider si Capa ay nasipa sa puwesto dahilan ito umano ang pinaghiÂhinalaan na siyang nagtimbre kay Vice President Jejomar Binay sa nag-leak na pagtawag ni Oriental Mindoro Governor Alfonso Umali sa PNP upang arborin si Delfin Lee.