GANITO ang hinahanap ng mamamayan sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ang maging mabangis sa mga bus company na walang patumangga kung makaaksidente ang mga bumibiyahe nilang bus. Tama lang na maging mabangis ang LTFRB para magkaroon ng leksiyon ang mga bus company at pati mga driver nila. Kung hindi magpapakita ng pangil ang LTFRB, ang mamamayang pasahero ang kawawa. Sila ang unang apektado ng kawalang ingat ng mga bus driver. Marami na ang namamatay dahil sa aksidente na karaniwang human error.
Kahapon, inihain na ng LTFRB ang 30-araw na suspension sa bus company na nag-ooperate sa Mayamy Transport. Ibig sabihin, hindi makabibiyahe sa loob ng isang buwan ang lahat nang bus ng Mayamy dahil sa kinasangkutang insidente sa Commonwealth Avenue noong Sabado ng tanghali. Dahil sa bilis ng takbo ng Mayamy tumawid ito sa kabilang lane at inararo ang 10 sasakyan kabilang ang isang motorsiklo. Sampung tao ang nasugatan sa pangyayari. Katwiran ng bus driver, may iniwasan siyang motorsiklo at nawalan siya ng preno. Pero sabi ng mga pasahero, mabilis ang pagpapatakbo ng drayber at nakikipag-agawan ng pasahero. Ang Commonwealth Avenue ay tinaguriang “killer avenue†dahil sa dami ng mga naaaksidenteng sasakyan. Tinakda ang 60 kph sa nasabing highway.
Marami nang bus company ang nasampolan ng LTFRB dahil sa walang pakundangang pagmamaneho. Kabilang dito ang Florida Bus na nahulog sa bangin sa Bontoc, Mountain Province. Suspendido ang Florida sa kasalukuyan dahil sa malagim na aksidente na ikinamatay ng 14 na pasahero. Sinuspende naman ng tuluyan ang prankisa ng Don Mariano Transit dahil sa pagkahulog sa Skyway na ikinamatay ng 24 na pasahero.
Sana, magpakita pa ng bangis ang LTFRB sa mga pasaway na bus company para mailigtas ang mga pasahero sa kamatayan. Hindi sana ningas-kugon ang ginagawa ng LTFRB.