Makipagmabutihan tayo sa China, h’wag sa US

MULING nabuhay ang tensiyon sa West Philippine Sea nang bugahan daw ng water cannon ng Chinese Coast Guard ang mga mangingisdang Pinoy sa Bajo de Masinloc, Zambales. Malinaw na pambu-bully ito ng China dahil alam nilang wala tayong ibubuga kahit magalit tayo. Malabo naman ang inaasahan na anumang oras ay handang tumulong ang US kung gigiyerahin tayo ng China.

Walang kasunduan na kapag inupakan tayo ng China ay agad sasaklolo ang US sa atin. Ka­ilangan nilang humingi ng pagsang-ayon sa US Congress ukol dito.

Hindi natin kailangang makipagbanggaan sa China. Maki­pagmabutihan na lamang tayo upang mapakinabangan ang mga nakatiwangwang na isla. Kahit mapunta sa atin ang mga islang pinagtatalunan, wala tayong sapat na kagamitan at pondo para mapaunlad ang lugar.

Makipagmabutihan tayo sa China at huwag umasa sa US. Binobola lang naman tayo ng US. Kung pumupostura man sila laban sa China ito ay dahil sa pansariling interes. Kaibigan natin ang US pero huwag natin silang ituring na “big brother” na handang tumulong sa lahat nang oras.

Hindi naman natin maoobliga ang China na magtuos sa korte dahil naninindigan sila na teritoryo nila ang West Philippine sea. Habang pinagtatalunan kung sino ang tunay na may-ari ng mga isla, makabubuting pakinabangan na rin natin ito katuwang ang China.

Alam ko na marami ang hindi sasang-ayon sa aking pananaw pero dapat maging praktikal tayo. Ang China ay higante at maunlad na bansa. Hindi natin kayang makipagdigma sa kanila. Ma­raming naitutulong ang US sa ating bansa pero may pinoprotektahan silang­ interes sa rehiyon. Sinasamantala nila ang kahirapan ng mga Pinoy para sumandal tayo sa kanila. Halimbawa ay sa Mindanao. Agresibo ang US na tumulong para raw sa kapayapaan sa mga rebeldeng Muslim pero asahan na mayroon itong kapalit at may isinusulong na interes.

Ang gawin nating “big brother” ay China. Bukod sa kapit­bahay sila, maraming Chinese dito na tumutulong para lumago ang ating ekonomiya.

Marami pa rin kasi ang naniniwala na masasandalan natin anumang oras ang US. Maraming Pinoy ang nangangarap na makapunta sa US para magtrabaho, manirahan o magliwaliw. Maraming pumipila sa US embassy para makakuha ng visa. Sa pag-iisyu ng visa, makikita ang pagkagahaman ng mga Kano. Hindi nila ibinabalik ang bayad sa mga hindi naaaprubahan ang visa.

Pag-isipan kung saan tayo dapat sumandal: sa China ba o US?

 

Show comments