Uok (78)

“MGA asawa nang nasa abroad ang nakukursunadahan ko. Ewan ko ba kung bakit na-challenged ako na ang paki­alaman ay may asawa,” sabi ni Basil kay Drew.

Si Drew naman ay seryosong nakikinig kay Basil. Ito ang pinakahihintay niyang pagkakataon. Gusto niyang malaman ang tunay na nangyari sa mga ginawang “pangingialam” at “pagsira” nito sa mga ba­baing may-asawa sa probinsiya. Mula nang ikuwento ni Tiyo Iluminado sa kanya ang mga ginawa ni “Uok” na pagsira sa maraming tahanan, nagkaroon na siya ng interes sa pagkatao ni “Uok” na walang iba kundi si Basil.

“Akalain mo Drew, bu­malik sa akin ang mga ginawa ko, di ba iyon ang tinatawag na batas ng karma. Kung ano ang ginawa mo sa kapwa mo, babalik din sa’yo at baka mas malala pa. Pinagtaksilan ako ng aking pangalawang asawa at ninakawan pa. Tapos ay na-stroke ako. Di ba siningil ako. Karma di ba?”

Napatangu-tango si Drew.

“Marami ka po ba talagang naging babae sa probinsiya, Sir Basil?”

“Marami. Halos lahat ng mga babaing may asawa na nag-aabroad --- nasa Saudi, nasa barko, at kung saan-saan pa ay natikman ko. Wala akong patawad, Drew. Basta nalaman kong ang asawa ng babae ay nasa ibang bansa nagtatrabaho, gumagawa ako ng paraan para makilala.’’

“Madali mo pong naki­kilala ang babae?”

“Oo. Siguro’y dahil may itsura rin naman ako.’’

“Mga magaganda po.”

“Merong hindi naman kagandahan. Pero alam mo mas gusto ko ang medyo may edad sa akin at yun nga yung may-asawa. Natsa-challenged ako. Parang ang sarap nilang pakialaman.’’

“Mga kailan po nagsi­mula ang pagkahilig mo sa mga babaing may-asawa?”

“Mga 18 anyos siguro ako noon. Kapogihan ko at kalakasan ng dugo. Kaunting masanggi lang si Dyunyor ko ay nakapostura na agad.’’

“Sino po ang unang babae?”

“Si Pacita, ang asawa ay seaman.”

“Paano mo po nakilala si Pacita?”

“Nasalubong ko. Ga­ling sa palengke. Nagkatitigan kami. Namalayan ko sinu­sundan ko na siya…”

(Itutuloy)

Show comments