Sa disiplina nagkukulang!

Ngayong matindi ang problema ng mga motorista partikular na sa Metro Manila kaugnay sa matinding trapik dahil nga sa konstruksyon ng Skyway 3, sangkaterba ang mga panukalang lumulutang para umano ito maibsan.

Iba-iba ang gustong mangyari,  na dapat nga sana bago isagawa ang konstruksyon ay binigyan na ito ng konsiderasyon at hindi kung kailan sinisimulan ang proyekto eh wala pa palang  konkretong mga pamamaraan na pwedeng ipatupad para maibsan ang kalbaryo sa trapik na dulot nito.

Isa rin sa nakikitang dahilan ng mga kinauukulan kung bakit patuloy na nagsisikip ang mga lansangan ay dahil sa mga naka-park na mga sasakyan.

May lumutang na panukala na huwag irehistro ang mga sasakyan lalu na sa mga pribado kung ito ay wala namang mapaparkingan, dahil siguradong kakain ito sa lansangan.

May ilang secondary road ang alam ba ninyong inari ng parking ng mga may-ari ng sasakyan.

San ka nakakita na kalsada ay lalagyan ng harang at aariing parking nila ito dahil tapat ng kanilang bahay.

Naku, marami nyan sa Quezon City lalu na sa ilang lugar sakop ng Murphy sa Cubao.

Matindi may mga marka pa na ang lugar na iyon ay para sa kanila.

Grabe sakop na ang bangketa, sakop pa ang kalsada.

Lucrative business sa kasalukuyan ang parking. Hindi nga ba’t maging sa mall at ilang establisimento, na pamimilihan mo na o kakainan mo na pagbabayarin ka pa ng parking.

Sa Maynila naman, maging sa kalsada naniningil ng parking fee.

Marami din namang mga establisimento ang wala ring parking. Maging mga eskuwelahan ang kalsada ang ginagawang parking, madalas pa nga double parking ng mga sumusundong sasakyan.

Sana kung magbaba o kakaunin lang ang kanilang pasahero, pero hindi  eh, talagang nakatambay na at double parking pa sa mga kalsada.

Sa ilang barangay naman, kalsada ginawang mga basketball court at kapag naglalaro sila eh talagang sinasarhan at alam marahil yan ng barangay na kanilang nasasakupan.

Matatagalan pa bago maranasan ng mga Pinoy ang maluwag na daloy ng trapik sa lansangan, hanggat ang disiplina ay patuloy na nakakalimutan. Iyan ang talagang kulang.

 

Show comments