MARAMING kinakabahan na baka maapektuhan ang overseas Filipino workers at Pinoy na residente sa Hong Kong kaugnay ng umaasim na relasyon nito sa Pilipinas.
Umiiral na ang pag-aalis ng visa free access sa mga government officials at lahat ng diplomatic passport holder. Ang pinag-ugatan ay ang pagtanggi ni President Aquino na mag-apology kaugnay ng 2010 hostage crisis sa Luneta na ikinamatay ng walong Hong Kong tourists.
Dapat maging kalmado lang ang lahat. Naniniwala ako na kalkulado naman siguro ni P-Noy kung saan hahantong ito kaugnay ng pagmamatigas ng gobyerno na huwag humingi ng paumanhin.
Sabi ni Presidential Communications Secretary Sonny Coloma na pinaghahandaan na ng gobyerno ang magiging implikasyon sa alitan sa Hong Kong government.
Asahan na ang desisyong ito ng Presidente saanman makaÂrating ay aakuin nila ang responsibilidad. Kung mayroong maÂapektuhang OFWs ay sosolusyunan ng gobyerno ang anumang magiging problema ng mga ito. Bagamat marami ang duda na baka hindi mabigyan ng ayuda ang mga maapektuhang OFWs at mauwi sa pangako ang lahat.
Mayroon akong suhestiyon dahil sinasabi nga ng Presidente na boss niya ang taumbayan, makabubuting ibigay niya sa publiko ang pagpapasya kung dapat pa bang humingi siya ng sorry sa Hong Kong.
Maaaring maglunsad ng survey ang Malacañang para malaman kung tutol o payag ang sambayanan na mag-sorry ang Presidente sa Hong Kong. Kung anuman ang resulta ng survey, ito ang gawing basehan ng Presidente sa kanyang desisyon. Anuman ito, walang mangyayaring sisihan sa bandang huli.
Kung gagawin ito ng Malacañang ay pagpapatunay lang na talagang ang mamamayan ang boss ng Presidente. Dapat niyang sundin ang naisin ng mayoryang Pilipino lalo na kung mayroong sector na maapektuhan tulad ng mga OFWs sa Hong Kong.
Sa ganitong paraan, matatahimik na rin ang mga kritiko ng Presidente dahil ang mayoryang mamamayan ang magdeÂdesisyon sa pamamagitan ng survey.