MAGING mabait sa pulubi na nanghihingi sa inyo ng tulong. Baka siya ang magbigay ng suwerte sa inyo.
Ganito ang nangyari kay Yogi Omar, 30, taga-Vancouver, Canada, noong nakaraang Disyembre 2013. Ayon kay Yogi, naglaÂlakad siya isang gabi nang isang lalaki ang humingi sa kanya ng tulong. Nanghihingi ng limos ang lalaki. Kahit daw ilang barya lang. Pulubi ang lalaki.
Unang reaksiyon ni Yogi ay huwag pansinin ang namamalimos. Pero nang hahakbang na sila palayo ay nakadama siya ng habag. Bumalik siya at sinabi sa pulubi na ibibili niya ito ng pagkain at coat.
Pero ganoon na lamang ang pagkagulat ni Yogi nang sabihin ng lalaki na hindi naman siya talaga pulubi. Siya ay mayaman at ginawa lamang niya iyon para matulungan ang taong nagpakita ng kabaitan. Ginagawa talaga niya iyon tuwing Pasko.
Lalo pang nagulat si Yogi nang tanungin siya ng lalaki kung ano ang kanyang kailangan o mayroon ba itong problema.
Sabi ni Yogi, naubos ang kanyang pera dahil binili niya ng tiket pauwi sa China para makita ang maysakit na ama. Dahil naubos ang pera, wala na siyang pambayad sa renta ng kanyang tirahan.
Tinanong siya ng lalaki kung magkano ang renta. Sinabi niyang $469.
Agad daw dumukot sa kanyang bag ang lalaki at binigyan si Yogi ng perang pambayad sa renta. Sabi ng lalaki, huwag ipagsasabi ang pagtulong niya. Hindi pa rin makapaniwala si Yogi.
Ayon kay Yogi, ang lalaki ay mga 50-anyos. Isang Puti.
Ipinost ni Yogi sa Facebook ang nangyari.