‘Napatag na hotel’

KAPAG ikaw ay sumasagwan na salungat sa agos ng tubig lakasan mo ang iyong loob at ihanda mo ang iyong sarili na baka ika’y tumagilid at tumaob ang Bangka. Kapag nakaya mo ito makakarating ka sa gusto mong puntahan.

“Inalis kami sa Richville hotel tapos ilalagay kami sa bakanteng lote. Hindi na lang nila kami tinanggal ng tuluyan,” wika ni Julio.

Magkakasamang nagtungo sa aming tanggapan sina Julio Palma, 34 taong gulang, Reno Patiño-36 at Ronnie Ser­villon-26. Inirereklamo nila ang ahensiyang Blumac Security Services Inc. na pagmamay-ari umano ni Ret. Major Ceasar Bejona.

Kapwa na-assign sa Richville Hotel ang tatlo. Halagang Php283.00 ang sahod nila bawat araw. Mas mababa sa ‘minimum wage’ na itinakda ng Department of Labor (DOLE).

“Siyam na taon na akong nagtatrabaho sa kanila pero wala man lang akong nakuhang 13th month pay,” wika ni Reno.

Sina Ronnie at Julio ay wala ring natatanggap na 13th month pay mula nang magsimula. Limang taon na sa ahensiya si Ronnie at anim na taon naman si Julio. Kinakaltasan din umano sila para sa kontribusyon ng Social Security System (SSS) ngunit hindi nila sigurado kung nahuhulog ba ito.

Paliwanag umano sa kanila ng ahensiya tuwing nagtatanong sila, may inaayos lang umanong dokumento upang mahulugan ang kanilang kontribusyon. Giit ng tatlo, ilang taon na daw na ganito ang dahilan ng ahensiya ngunit hanggang ngayon hindi pa naaayos.

“Ang ibinigay lang sa amin na pamasko nun ay parang relief goods para sa mga binagyo. Sardinas, bigas at noodles ang laman. Wala silang binigay na kahit bonus man lang,” wika ni Julio.

Dahilan ng Blumac kaya umano walang 13th month pay at below minimum wage ang sweldo nila dahil mababa lamang umano ang bayad ng kliyente sa ahensiya. Wala din umano silang vacation leave, sick leave, double pay kapag holidays at duty sila.

“Dose oras ang trabaho namin. No work no pay kami. Basta pumasok ka may sahod ka,” pahayag ni Julio.

Ilang ulit na rin umano silang humiling na taasan ang kanilang sweldo ngunit naging bingi ang namamahala sa kanilang ahensiya. Puro “Sige aayusin natin yan” ang pangako sa kanila.

Enero 20, 2014…nakatanggap ng memo ang tatlo na tinatanggal na sila sa kasalukuyang post.

Ang nakalagay na dahilan sa memo ni Julio ay ‘Disobedience’.

“Inutusan kasi akong imaneho ang isang kotse para iparada. Hindi ako pumayag dahil gwardiya ako,” paliwanag ni Julio.

Binigyan umano siya ng pagkaka­taon na magpaliwanag ngunit tumanggi siyang magbigay ng kanyang panig.

“Ano ang sasabihin ko? Hindi ko naman trabaho yun,” ayon kay Julio.

‘Dishonesty’ naman ang kay Ronnie. Nag-leave siya nung Enero 12, 2014 at sumama sa probinsiya ng isang empleyado ng Richville. Pagbalik niya tinanggal na siya doon.

“Inimbita lang naman ako nung empleyado kaya ako sumama tapos pagbalik ko may memo na akong ganun,” pahayag ni Ronnie.

‘Abandonment of post’ naman ang nakalagay sa memo ni Reno.

“Hindi naman totoong umalis ako ng pwesto ko. Siyempre ang kostumer kapag hiniling na kuhanan siya ng taxi maghahanap ka talaga. Malayo-layo lang sa entrance kaya ako umalis pero hindi ko iniwan ang duty ko,” kwento ni Reno.

Sama-sama silang inilipat sa bakanteng lote sa Mindanao Ave.

“Ano naman ang gagawin namin dun? Wala namang bahay. Parang sinabi nila na mag-resign na lang kami,” wika ni Reno.

Nais nina Reno, Julio at Ronnie na makuha ang kulang sa kanilang sahod at ang mga benepisyong dapat nilang matanggap. Ito ang dahilan ng pagtungo nila sa aming tanggapan.

BILANG TULONG kinapanayam namin si Ms. Lilibeth Suralbo ng SSS Main Office upang malaman kung inihuhulog ba ng ahensiya ang kinakaltas sa kanila. Ayon kay Ms. Lilibeth, walong buwan lamang umano ang hulog ng kay Julio. Kay Ronnie naman ay labing walong buwan habang kay Reno ay apatnapung buwan. Ito ay kulang at hindi tugma sa ikinakaltas sa kanila bawat buwan.

Yung problema naman sa 13th month pay, below minimum wage, ini-refer din namin sila kay Chairman Gerardo Nograles ng National Labor Relations Commission (NLRC) upang maipaliwanag sa kanilang mabuti ang kanilang karapatan.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito nina Ronnie, Julio at Reno.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, may tinatawag na ‘Single Entry Approach’ (SENA) ang NLRC kung saan ipapatawag ang ahensiya o kumpanya na pinagtatrabahuan ng mga nagrereklamo. Hindi pa pormal ang paghahain dito ng kaso. Dadaanin muna sa usapan baka sakaling magkasundo sila at maiwasan ang kasuhan.

Kung sakaling hindi sila magkasundo maaaring magsampa ng kaso laban sa ahensya. Pwede din kayong magsampa ng kaso sa SSS dahil sa hindi nila paghuhulog ng inyong kontribusyon. Malinaw na nilabag nila ang RA 8282 o ang SSS law. Ang SSS na ang bahalang mag-imbestiga sa inyong ahensiya at ipa-follow up na lang namin. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal mag­punta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.

Show comments