EDITORYAL - Walang katapusan ang rice smuggling

KUNG hindi magkakaroon ng political will ang bagong namumuno sa Bureau of Customs, hindi magkakaroon ng solusyon sa malalang rice smuggling­. Tanging ang Customs chief lamang ang maaring pumutol sa sungay at pangil ng mga rice smuggler. Kung mananatiling “bahag ang buntot” ng Customs chief, walang katapusan ang smuggling ng bigas. Pawang bigas na imported ang nasa pamilihan na walang sawang bibilhin at isasaing ng mga Pilipino. Buong buhay nilang tatangkilikin ang mga bigas na inismuggle sa bansa.

Talo ang gobyerno sa ginagawang smuggling ng bigas. Walang binabayarang buwis ang mga smuggler­ kaya naman hindi maabot ang target na revenue collection­. Ang tanging namutiktik ay ang bulsa ng mga smuggler at ang kanilang mga kakutsabang opisyal at empleado ng Customs.

Bukod sa pagkatalo ng gobyerno, maraming lokal na magsasaka ang “laglag-balikat’’ dahil sa hindi mapigilang rice smuggling. Paano’y hindi na nila maibenta nang mahal ang kanilang aning palay. Kailangang sumunod sila sa presyuhan. Ang smuggled na bigas ay malaki ang kamurahan kaysa mga ani ng lokal na magsasaka. Talo umano sila sapagkat marami silang nagastos sa pagtatanim ng palay — insecticide, fertilizer, binhi, bayad sa patubig at kung anu-ano pa at kapag binenta ay mura lang. Wala silang magawa kundi ang maghimutok. Tanong nila: kailan matatapos ang smuggling ng bigas?

Naniniwala kaming alam ng Customs kung sino ang mga rice smuggler. Hindi naman makapapasok sa bansa ang mga bigas kung walang kontak sa loob. Kaya nga alam na alam nila kung gaano karaming bigas ang pumapasok sa bansa. Ayon sa isang opisyal ng Customs, 50,000 tonelada ng bigas ang pumapasok sa bansa linggu-linggo. Bakit alam ito ng Customs official?­ Kasi, kilala nila ang smuggler ng bigas. Walang maililihim sa kanila.

Kaya nararaapat na magpakita ng kakaibang tapang ang Customs chief, hindi lamang sa mga rice smuggler kundi pati na rin sa mga corrupt niyang opisyal at mga empleado. Kapag hindi niya ito nagawa, walang katapusan ang rice smuggling. Kawawa ang bansa at mga magsasaka.

 

Show comments