Hindi na masaya

Ang nagdaang taon kung pagbabalikan

Malungkot na buhay ating naranasan;

Di ito katulad ng nagdaang mga araw

Na laging masaya walang kalungkutan!

 

Noo’y mga bansa ang nagsasagupa

Bagama’t mahirap dahil sa may digma

Doo’y nagagapi ang mga banyaga

May mga bayaning sa baya’y dakila!

 

Sa ngayo’y masdan mo itong ating bayan

Ang ama at anak ay nagpapatayan;

Batas at hustisya ay niyuyurakan

Nagkalat sa bansa ang makasalanan!

 

Sa lahat ng panig magulong-magulo

Kasi’y balewala ang ating gobyerno;

Sa bayan at lunsod may mga bandido

Masayang panahon ay wala na rito!

 

Show comments