MINSAN, inuuna natin ang pagkayod kahit napapabayaan na natin ang ating kalusugan. Masyadong pagod ang katawan at kulang ang tulog. Ang ending, magkakasakit tayo dahil mahina ang ating immune system. Paano maiiwasan ang pagkakasakit? Narito ang mga paalala:
1. Meditate. Ang peaceful na pag-iisip ay kayang agapan at iwasan ang pagkakaroon ng sipon ng 40-50%? Kapag nagmemeditate ka, nababawasan ang pisikal na epekto ng stress sa katawan na nagpapahina ng immune system.
2. Probiotics o good bacteria. Tulad ng Yakult. Mainam sa katawan natin ang pagkain o pag-inom ng mga good bacteriang ito dahil naiiwasan ang mga impeksiyon sa baga at tiyan.
3. Kumain nang maraming bawang. Ang Allicin na tinataglay ng bawang ay tumutulong sa pagpuksa ng mga virus. Kaya kumain ka na ng dalawang piraso ng hilaw na bawang araw-araw. Medyo mabaho lang sa hininga pero madali na iyan solusyunan. Magsepilyo lang.
4. Mag-ehersisyo. Bukod sa nakakagaan sa pakiramdam, kapag nasa apat hanggang limang beses sa isang linggo ka nagpapapawis, mas titibay ang iyong panlaban sa mga upper respiratory infections. Mas maganda rin ang pagdaloy ng iyong dugo at mas mataas ang energy mo sa buong araw.
5. Magpabakuna. Kung trangkaso, flu at mga virus lang din ang usapan, ang pinakadirektang panangga ay ang magpabakuna. Bagamat palaging may bagong strain ng viruses, mabisa pa rin ang pagkakaroon ng vaccine shots.
6. Laging maghugas ng kamay at huwag kalimutang tuyuing maigi. Pinakamahalaga ang pagpapatuyo dahil mas kumakapit ang mga mikrobyo kapag basa ang kamay.
7. Matulog ng tama. Kailangan mo ng pahinga para maging malusog. Period. Dapat ay walong oras ang tulog sa gabi. Sa gabi kasi nagaganap ang repair ng mga cells at tissue.
8. Magbawas ng matatamis. Kapag nasosobrahan ng asukal ang ating katawan, humihina ang kakayanan ng white blood cells na labanan ang mga mikrobyo. Nade-depress ang immune cells ng ilang oras matapos ang labis na sugar intake.
9. Magbawas ng timbang. Hindi lang dahil kailangan mo, pero para gumana ang iyong bakuna, dapat ay nasa tamang timbang ka. Dahil kung hindi ay mas masama ang tama ng virus sa iyo kapag nadapuan ka nito.
10. Uminom nang maraming tubig. Ang tubig ay may malaking papel sa pagpuksa ng impeksiyon. Kung uhaw ang iyong cells, hindi sila gagana upang maprotektahan ka. Hindi dapat bababa sa walong baso ang inumin kada araw.