Kumitid ang valve ng puso

Dear Dr. Gatmaitan,

 Ako po ay 35 anyos at dalaga, may rheumatic heart disease daw.  Na-diagnose po ng doktor na ang  kaliwang bahagi ng puso ko ay malaki (mitral valve stenosis).  Dahil dito, nakatakda po akong sumailalim sa operasyon. Naghihintay na lamang po ako ng schedule. 

Maraming katanungan ang gumugulo sa akin. Sa ngayon, normal  po ang takbo ng buhay ko, ng aking katawan, nakakapagtrabaho po ako. Isa akong mananahi, nakakalakad nang normal huwag lang pong tatakbo, nakakaakyat ng hanggang second floor, maliban po sa paminsan-minsa’y nasusuka ako sa umaga. 

 Magiging normal po ba ang buhay ko at makakapagtrabaho  pagkatapos maoperahan?  Makaaapekto po ba ito sa aking pagkakaroon ng anak?  Maaari po ba akong ma-stroke kung mapapabayaan?  Nais ko po sanang maliwanagan bago ituloy ang operasyon. —CATHY M. ng Numancia, Aklan

 

Ang pagkakaroon ng rheumatic fever ay posibleng magbigay-daan sa pagkakaroon ng rheumatic heart disease (RHD). Ito ang karaniwang kinahihitnan ng atake ng rheumatic fever. Inaatake kasi ng rheumatic fever  ang muscle ng puso gayundin ang valve nito. Totoo, kapag nagamot nang tama, ang pagkasirang idinulot nito sa muscle ng puso ay karaniwang nare-repair naman, pero ang mga pagbabagong naganap sa mga  valve ng puso ay posibleng magdulot ng pagkadeporma ng pinto ng valve. Mitral Stenosis ang tawag dito.

 Kapag nangyari ito, hindi makararaan nang maayos ang dugo dahil nagiging masikip ang valve. Sa loob nang maraming taon, kaya pang gumana ng puso kahit may problema sa valve. Pero katagalan, maaaring operahin ang valve na ito para maisaayos ang pagdaloy ng dugo.

 Ang mga taong may Mitral Stenosis ay karaniwang kinakapos ng hininga o sumasakit ang dibdib kapag pagod. Sa una, puwedeng bigyan ang pasyente ng mga gamot na pampaayos ng tibok ng puso, gayundin ang pag-iwas sa sobrang pagpapagod. Pero sa katagalan, kakailanganin talagang ma-repair na ito sa pamamagitan ng operasyon. 

Ang operasyong nagre-repair sa valve (o pinapalitan ang valve ng “prosthetic valve) ay nagtatagal ng hanggang 4 na oras at kakailanganing ma-confine ng dalawang linggo. Kakailanganin ang ilang buwan bago maka-recover sa operasyon.

Puwede ka pa ring mabuhay nang normal at makapaghanapbuhay matapos ang operasyon bagamat hindi maipapayo ang masyadong pagpapagod. Kung magbubuntis ka man, kailangan ang masusing follow-up sa cardiologist at sa iyong obstetrician. Kaya mong magkaanak kahit nagkaroon ka pa ng ganitong kondisyon.

Mahalagang maoperahan ka para tuluyang maisaayos na ang daloy ng iyong dugo at nang mailayo ka rin sa iba pang komplikasyon, kasama na ang stroke.

• • • • • •

Pagbati sa kaibigan kong “entreprenurse” (negosyanteng nurse) na si Richard P. Nollen ng Two Serendra, Taguig City owner ng Bodato burgers.

Show comments