Uok (40)

“ANONG gusto mong inumin, Gab?’’ ta­nong ni Drew ng nakaupo na si Gab, “juice o softdrinks?’’

“Tubig lang.’’

“Sandali lang at kukuha ako.’’

‘‘Salamat.’’

Kumuha nang malamig na tubig na nasa pitsel si Drew at dinala kay Gab. Nagsalin si Drew sa baso at iniabot kay Gab. Ininom ni Gab.

“Drew, ibigay mo na sa akin ang kuwintas. Kasi kailangang makauwi na rin ako. Hinihintay ako sa bahay,’’ sabi makaraang uminom.’’

‘‘A oo. Teka sandali at kukunin ko.’’

“Salamat.’’

Nagtungo si Drew sa room niya. Pagpasok niya, nagulat siya dahil ang ilang damit niya ay nakapatong sa kama. Parang doon ibinagsak. Kanina nang umalis siya ay maayos ang mga damit niya sa cabinet.

Binuksan niya ang cabinet na kinaroroonan ng kuwintas ni Gab. Magulo rin ang mga damit niya roon. Parang hinalungkat! Kinabahan siya!

Agad na tiningnan ang pinagtaguan ng kuwintas. Nasa pinakaloob niya inilagay. Dinukot niya. Wala!

Hinalungkat pa niya. Inilabas ang mga damit para makita ang pinaka-loob. Wala talaga!

Kinabahan na si Drew. Nanakaw kaya? Sino naman ang magnanakaw? Kung may nagnakaw, da­pat inunang kunin ang kan­yang laptop at mga relo na nasa ibabaw ng kama. Mayroon din siyang pera na nakapatong sa mesa at meron ding sunglass.

Muli niyang hinanap. Baka nahulog sa baba. Tiningnan niya. Wala!

Nang hindi makita, lumabas na siya.

“Sandali lang, Gab. Ka­si nawawala ang kuwintas!’’

‘‘Nawawala?’’

‘‘Nawala sa pinagtagu­­an ko.’’

‘‘Nanakaw ?’’

‘‘Hindi ko alam.’’

Hindi malaman ni Drew ang gagawin. Hindi niya alam kung paano magpapaliwanag.

(Itutuloy)

 

 

Show comments