Nakakatakot na ang pagdami ng krimen
Ako ay isang magulang na nababahala na sa dami ng krimen na nangyayari sa kasalukuyan. Nag-aalala ako sa aking mga anak lalo pa kung inaabot sila ng gabi galing sa school.
Araw-araw ay may nangyayaring pagsalakay ng riding-in-tandem at walang awang pumapatay. Maski babae ay hindi nila ginagalang. Gaya ng isang babaing negosyante na binaril nila sa Quezon City sa hindi malamang dahilan.
Pati pulis ay walang awang binabaril ng riding-in-tandem at inaagawan ng baril. Dalawang pulis na ang nabasa kong pinatay noong nakaraang linggo at wala pang nahuhuli ang mga pulis. Blanko pa sila sa krimen.
Maski sa loob ng mall ay hindi rin ligtas dahil nanghoholdap ang Martilyo Gang. Paano nakapasok ang mga magnanakaw gayung kinakapkapan. Paano kung nagbarilan sa loob? Madadamay ang mga walang malay na sibilyan.
Hinihiling ko po sa PNP na magkaroon ng dibdibang pagbabantay at paghusayan ang kanilang intelligence gathering para mapigilan ang masasamang loob. Di po ba’t may pondo ang PNP para sa intelligence? Gamitin sana ito.
Maraming Salamat at mabuhay ang Pang Masa (PM).
ANTONIO DIMAALA,
Craig St. Sampaloc, Manila, [email protected]
- Latest