SA isang tingin lang kahit hindi engineer o arkitekto ay agad kong masasabi na napakababang uri ng bunkhouse ang itinayo ng gobyerno sa Tacloban at iba pang lugar na tinamaan ng bagyong Yolanda.
Bagamat itinuturing na temporary shelters lamang para sa mga nakaligtas sa Yolanda, napakaliit at mababang klase ang materyales na ginamit dito.
Kahalintulad ito ng mga bunkhouse na ginagawa sa mga construction site na pansamantalang tirahan ng construction workers.
Mabuti naman at pinaiimbestigahan na ni rehabilitation czar secretary Ping Lacson ang napaulat na overpriced daw ang bunkhouses at pinagkakitaan ng ilang tiwaling pulitiko.
Sana naman kapag may napatunayang pulitiko, opisyal ng DPWH at iba pang ahensiya na kumita sa bunkhouses dapat patawan ng mabigat na parusa.
Ayon kay architect Jun Palafox, isang kilalang urban planner, kinumpirma niya na substandard at napakaliit ng bunkhouse.
Naniniwala ako na hindi kukunsintihin ni P-Noy kung nagkaroon man ng corruption sa nasabing proyekto dahil lalabas na kahiya-hiya ang gobyerno ng Pilipinas sa international community na nakabantay sa ginagawang rehabilitasyon sa mga tinamaan ng bagyo.
Abangan natin kung matutupad ang pangako ni DPWH secretary Rogelio Singson na kapag may nakumpirmang ano-malya sa bunkhouses ay magbibitiw siya sa puwesto.
Ang tanong ay kung ang pagbibitiw ba ni Singson ay irrevocable o bobolahin lang ang publiko tulad ng estilo ni EnerÂgy secretary Jericho Petilla. Isinakay lang tayo ni Petilla sa tsubibo na nag-resign umano pero hindi tinanggap ni P-Noy.
Paano tatanggapin e dapat irrevocable resignation ang isi-numite kung talagang buo ang kanyang loob na umalis dahil hindi natupad ang pangako.
Tulad ni Petilla, wala ring naghamon kay Singson na itaya ang puwesto pero dahil sa kahiyaan na, nag-alok ang DPWH secretary ng magbibitiw kapag may anomalya sa bunkhouses.
Abangan ang susunod na kabanata ng kuwento ng mga biktima ng bagyong Yolanda na hindi matapus-tapos.