NANGANGANIB na maging war zone ang Pasay City kapag nalingat sina Mayor Tony Calixto at Sr. Supt. Florenco Ortilla, police chief ng siyudad. Sinabi ng mga kosa ko na naggigirian na sa ngayon ang grupo nina alyas Borbie at Nanding Buang na kung hindi mapigil agad ay maaring sumiklab anumang oras. Kapwa sina Borbie at Nanding ay may mga armadong followers at may backers din. Ayon sa mga kosa ko sa Pasay, si Borbie ay nasa kuwadra ni Mayor Calixto at anak na si Mark, samantalang si Nanding naman ay nakalinya sa may-ari ng isang slaughter house. Sa pagkaalam ng mga kosa ko, magkumpare sina Borbie at Nanding subalit nitong huling mga araw ay nag-aangilan na ang dalawa. Kung sabagay, marami na ring kumpare si Borbie na pinatay sa Pasay at wala ni isa mang kaso ang nalutas ng pulisya. Ano ba ‘yan?
Sinabi ng mga kosa ko na si Nanding ay dating katuwang ni Borbie sa pagpatakbo ng mga ilegal diyan sa Pasay na kinunsinti naman ni Calixto.
Subalit sa hindi mabatid na dahilan, nagkahiwalay ng landas sina Borbie at Nanding. Ang huling balita na nakalap ng mga kosa ko, pinahahanting ni Borbie si Nanding, hehehe! Babae o pitsa lang ang ugat ng sigalot nitong dalawa, di ba mga kosa?
Lalong uminit ang awayan ng dalawa nang salakayin ng armadong kalalakihan ang barangay hall ng Bgy. 134, Zone 13 kamakailan at napatay ang tanod na si John Quilantang at nasugatan naman si chairman Maynard Alfaro at ilan pang opisyales ng lugar. Sa totoo lang, may gumanti lang ng putok galing sa barangay hall kaya nagpulasan palayo ang suspects. Si Alfaro ay masugid na supporter ni Borbie, na dumating sa naturang lugar matapos ang barilan. Narinig ng mga kosa ko na nagbitaw ng salita si Borbie na, “Hayaan mo, gaganti tayo.†Hindi pinangalanan ng pulisya ang suspects sa pag-atake sa barangay hall subalit malaki ang suspetsa ng kampo ni Borbie na ang grupo ni Nanding ang may kagagawan. Kung sabagay, maraming saksi sa insidente subalit ayaw nilang tumestigo sa takot na madamay pa sila sa gulo nina Borbie at Nanding, di ba mga kosa? Mismo!
Wala pang isang buwan sa puwesto si Ortilla subalit kung ang pag-iikot ng isang alyas Wendell sa mga pasugalan at putahan ang gagawing basehan ay mukhang ‘‘he started on a wrong foot.’’ Si Wendell kasi mga kosa ang umaaktong bagman ni Ortilla at hindi ang problema nina Borbie at Nanding ang nasa utak nilang mag-amo kundi kung paano magkalaman ang kanilang mga bulsa. Get’s n’yo mga kosa? At mukhang abot-langit kung tumara si Wendell sa mga kausap niya, hehehe! Tatamaan din ng kidlat sina Ortilla at Wendell kapag nagsimula na ang giyera ng grupo nina Borbie at Nanding, di ba mga kosa? Mismo!
Sa ngayon, si Borbie ang itinuturong nasa likod ng operation ng gambling lord na sina Ian Vendivel at alyas Moti sa Pasay at sinisiguro ko na hindi maambunan si Wendell at ang amo nya. Si Borbie din umano ang nakikipag-usap sa iba pang operating unit ng PNP at ang siste hanggang usap lang at ayaw nitong maglabas ng pitsa. Sa pagkaalam ko, mahigpit na nagmamatyag ang IG, at CIDG sa Camp Crame, NCRPO at SPD dito sa away ng grupo nina Borbie at Nan-ding. Abangan!