2-taong gulang na bata nahulog mula 5th floor; nasalo ng 5 motorcycle couriers, nakaligtas!

NAGPAPAHINGA at nagkukuwentuhan ang limang nakamotorsiklong express mail carriers sa tabing kalsada sa Geshuiyang village, Ninghai County, sa Zhejiang Province nang bigla nilang marinig ang iyak ng isang bata. Nang tingnan nila kung saan nanggagaling ang iyak ganoon na lamang ang kanilang pagkagulat sapagkat nakita nila ang isang batang babae na nakaupo sa pasamano ng bintana sa fifth floor.

Walang inaksayang panahon ang limang mail carriers at agad sumugod sa ilalim ng bintana para saluhin ang bata.

Habang pinag-uusapan nila ang gagawing pagsalo sa bata, tuluyan namang nahulog ang bata mula sa pasamano.

Ganoon pa man nakahanda ang lima sa babagsak na bata. Bumagsak ang bata sa mga kamay ng mail carriers subalit dumulas at nahulog din sa ground. Subalit hindi naman nasaktan ang bata dahil bumangon agad ito makaraang madulas.

Ayon sa report, natutulog mag-isa ang bata sa kuwarto at iniwan sandali ng nagbabantay. Pero nagising ang bata at hinahanap ang tagapag-alaga. Nang hindi makita ay umiyak at sumampa sa bintana.

Pinarangalan ang limang mail carriers na nagligtas sa bata. Kung hindi sa kanila baka namatay ang bata dahil babagsak sa semento. ---www.oddee.com---

Show comments