‘Wag nang makialam sa PNP si Roxas

UMANI ng konting pogi points si DILG Sec. Mar Roxas sa huling reshuffle ng PNP dahil hindi siya nakialam. Hehehe! Hindi na nga kumilos si Roxas eh napuri pa. Di tulad sa Zamboanga siege, sa Bohol earthquake at sa devastation ng Yolanda sa Tacloban City at iba pang area sa Eastern Visayas kung saan tinuligsa  si Roxas sa mga umano’y kapalpakan n’ya. Sa dinami-dami ng binitiwan n’yang salita, puro semplang ang inabot niya. Kung itong tatlong insidente ang gagawing basehan, aba sa tingin ng mga kosa ko, goodbye na lang sa political ambition ni Roxas.

Kung gaganapin ang botohan sa ngayon, tiyak sa kangkungan dadamputin si Roxas kung ang mga negatibong komento sa social media ang gagawing basehan, di ba mga kosa? Pero dahil sa pagparaya niya kay PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima na mangasiwa nitong huling PNP reshuffle, medyo nakabawi ng konti ang imahe ni Roxas sa hanay ng kapulisan. Mismo!

Kung sabagay walang binitiwang maanghang na salita itong si Roxas sa PNP reshuffle kaya’t hindi siya napulaan ng mga kritiko n’ya, di ba mga kosa? Hehehe! Ano ba ‘yan?

Noong mga nakaraang reshuffle kasi, si Roxas ang nasusunod sa mga assignments ng PNP officials kaya marami ang naatang sa puwesto eh di naman «the best and the brightest.» Ang nangyari, tuloy nagkaroon ng dalawang faction sa PNP, ang Roxas at Purisima faction. Kapag gusto ng PNP officials na makapuwesto, dapat mabango sila kapwa kina Roxas at Purisima kundi’y tapos ang promotions nila. Dito pumasok ang inggitan at selosan. Siyempre, kasama na rito ang siraan ng PNP officials at ang imahe ng organization ang nasisira. At sa totoo lang, ang mga police officials na namamangka sa dalawang ilog ay mangilan-ngilan lang at karamihan sa kanila ay walang alam. Get’s n’yo mga kosa!

At dahil hindi kilala ni Roxas ang mga lumalapit sa kanya para mapuwesto, hayun kaliwa’t kanan ang indulto ng PNP. At ang nasisisi ay hindi si Roxas kundi si Purisima. Subalit sa reshuffle sa ngayon, na hindi pumapel si Roxas ang lahat ng sisi ay puwede nang ibato kay Purisima. At ligtas na si Roxas sa kanyang mga kritiko at maaring maging dahilan para tumaas ng konti ang rating n’ya. Sa hanay lang ng PNP ha, mga kosa?

Ang ginawang palatandaan ng mga kosa ko kung bakit hindi nakialam sa nakaraang reshuffle ng PNP si Roxas ay ang pag-demote sa mga bata niya na sina Dir. Alex Monteagudo ng DO at Frank Uyami ng CIDG. Kapwa kandidato ni Roxas sina Monteagudo at Uyami sa pagka-PNP chief, anang mga kosa ko. Subalit si Monteagudo ay napunta sa DHRDD at si Uyami naman ay sa DRD, na  kapwa hindi prestigious na mga puwesto sa PNP natin at maliwanag na demotion ‘yan, di ba mga kosa?

Sa ngayon, tingnan natin kung may binatbat itong mga bagong upong PNP officials ni Purisima na tutulong sa kanya para pangasiwaan ang kampanya laban sa kriminalidad at terrorista. Ang payo naman ng mga kosa ko kay Roxas, ‘wag na siyang masyadong makialam sa PNP at ‘wag na rin magsalita tungkol sa kung anu-anong isyu at baka tumaas pa muli ng konti ang rating n’ya. Abangan!

Show comments