Iba ang sintoma ng pulmonya sa sanggol at matatanda
SA nakararaming kaso ng pulmonya, ubong maplema ang karaniwang sintomang nakikita. Pero puwedeng mag-iba ang sintoma depende sa kung gaano kalawak ang apektadong baga at kung ano ang mikrobyong sanhi nito (kung bacteria, virus at fungus).
Sa mga sanggol at nakataÂtanda, minsa’y simple lang ang sintoma. Kung nasanay tayong may kaakibat na lagnat ang pulmonya, sa mga matatanda’y puwedeng walang lagnat. Puwedeng wala ring pananakit ng dibdib. Minsan, ang mapapansing sintoma lamang ay ang mabilis na paghinga ng pasyente o biglang ayaw na nitong kumain o kung biglang parang naging confused ang matatanda. Magduda na agad kapag napansing biglang naging mabilis ang paghinga ng inyong mga sanggol. Dalhin agad sa doktor!
Dapat tayong maging mapagmatyag sa ating mga sanggol at kapamilyang matatanda na. Baka hindi natin mapansing mayroon na pala silang pulmonya. Huwag na nating hintayin ang karaniwang sintoma ng pulmonya bago natin daluhan ang ating kapamilya. Kapag hindi makatiyak, magpasuri agad sa doktor. Nagagamot ang pulmonya kapag maagang natuklasan.
Kung grabe na ang pulmonya, hindi na makapupunta pa ang oxygen sa sirkulasyon ng dugo. Ito ang dahilan kung bakit nahihirapang huminga ang pasyente. Yung kakulangan na ‘yun ng oxygen sa iba-ibang bahagi ng katawan ang lubos na nagpapahina sa pasyente.
Paano nada-diagnose ang pulmonya?
Pansinin na kapag nagpasuri kayo sa doktor, pinakikinggan nito ang inyong paghinga sa pamamagitan ng istetoskop. Doon ay kagyat na maririnig kung may abnormalidad sa paghinga. Kapag kumikitid ang daluyan ng hangin o kung puno ng plema o anumang likido ang baga, nagpupundar ito ng kakaibang tunog sa paghinga. Susundan ito ng chest x-ray para makatiyak.
Kung mild lamang ang pulmonya, puwedeng sa bahay na lamang ang gamutan basta’t ipangangakong iinumin ang antibiotiko o iniresetang gamot.
Pero kung matindi ang pulmonya, kakailanganing i-confine sa ospital ang pasyente. Dito kasi ay higit siyang maalagaan. Nandiyan ang laboratory kung kailangan ang iba pang mga tests. Nandiyan ang x-ray machine. May available na suwero kung hindi makakain. Sa ospital, kumukuha ng sampol ng plema, dugo, at ihi ang mga doktor upang matiyak kung anong organismo ang sanhi ng pulmonya.
Kung hirap huminga ang pasyente, may ibinibigay na pantulong na oxygen. Kung kayang uminom ng gamot, puwedeng tableta ang antibiotikong iinumin (kung bacteria ang sanhi). Pero sa mga bedridden, unconscious at hinang-hina, pinadadaan na lamang sa ugat ang mga antibiotiko. Puwede nang ilipat sa oral medications ang pasyente matapos ang ilang araw na ibinibigay sa pamamagitan ng suwero ang mga gamot.
Mahalaga ang sapat na pahinga. Pero kapag kaya na ng pasyente, mahalagang ibinabangon sila, pinauupo sa silya, o ini-encourage na lumakad nang marahan.
- Latest