LABING-APAT na araw pa ang natitira sa 2013 pero marami na ang nagpaplano kung paano sasalubungin ang 2014. Karamihan, paputok ang kanilang isasalubong. Mas malakas na putok, mas maganda. Mas nakababasag ng eardrum, mas kuwela. Kaya maraÂming binabadyetan ang paputok. Ibinabawas sa perang pambili sana ng bigas at ulam o kaya, mangungutang para lamang may maibili ng paputok. Minsan lang daw isang taon ang putukan kaya dapat itong gastusan. Pantaboy din daw ng malas ang malalakas na putok.
Hindi na baleng mahal ang mga paputok na sawa, higad, pla-pla, Judas belt, Bin Laden, bawang, piccolo, super bading at ngayon ay meron pang Napoles at Yolanda. Sulit naman daw kapag pinaputok sapagkat ubod nang lakas. Napakasaya raw kapag malakas ang putok. Karaniwang bumibili ng mga nabanggit na paputok ay yung tamang-tama o kasyanan lamang ang kinikita para sa pamilya. Yung tipong mabawasan lang ng piso ang sinuweldo ay malaki nang problema.
Ayon sa mga nagtitinda ng paputok sa Bocaue, Bulacan, tumaas umano ng 50 percent ang presyo ng mga paputok. Kaya inaasahan nang ang mga bibili ng sawa at Judas Belt ay magugulat sa mataas na presyo ngayon. Tumaas daw ang presyo dahil tumaas din ang presyo ng materyales. Pero sabi ng isang tindero ng paputok sa Bocaue, maaaring mabawasan daw ang bibili ng paputok ngayon sapagkat idino-donate na lamang ang pera sa mga biktima ng Bagyong Yolanda sa Visayas Region.
Sana nga mapag-isip-isip nang marami, lalo ang mga kasyanan lamang ang kinikita na huwag itodo ang pera sa paputok. Huwag agawin ang perang pambili ng pagkain para lamang sa paputok. Mas mahalaga ang bibig ng pamilya kaysa paputok na nagdudulot lamang ng noise at air pollution at ang masaklap, pagkaputol ng daliri o kaya’y pagkabulag. Taun-taon, dumarami ang mga biktima ng paputok at karamihan ay mga bata.
Magpaputok pero gawing katamtaman lang upang ang pera ay hindi maubos. Maaari namang salubungin ang Bagong Taon na hindi na kailangang mabasag ang eardrum.