Parang mga kabute na nagsusulputan ngayon ang mga illegal vendors sa mga pangunahing lugar sa Metro Manila na isa pa rin sa dahilan sa matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko dito.
Hindi nga lang malinaw kung ang mga ito ba ay sadyang pinayagan ng mga lokal na pamahalaan sa mga lungsod o bayan na kanilang pinagtitindahan.
Ang siste kasi, mukhang dedma lang ang mga opisyal na lokal kahit bumandera pa ang mga ito at pagsimulan ng pagsisikip ng daloy ng trapiko. Trapik hindi lamang sa mga sasakyan kundi maging sa mga pedestrian na wala nang madaanan.
Bagamat sa tuwing sasapit ang ganitong holiday seasons nagbibigay ng konsiderasyon ang mga local government at talagang pinapayagan ang mga ito na makapagtinda para naman kumita.
Nandon na tayo, pero sana naman ay magkaroon ng hangganan o limitasyon na hindi naman makakaperwisyo sa iba.
Isang halimbawa nga ang mga vendors sa Redemptorist Road sa Baclaran. Talagang matindi na ang vendors dyan na wala nang madaanan at magalawan kahit mga pedestrian.
Eto pa minsan umaabot pa ang mga nagtitinda hanggang sa may Roxas Boulevard at nasasakop ang may kung ilang lane sa daanan ng sasakyan.
Ganyan din ang nangyayari sa may Divisoria na hindi talaga mapigil o maawat ang mga gustong pumuslit na illegal vendor.
Sa ilan pang lungsod maging ang mga overpass/ underpass pinamumugaran na rin at nasasakop na ng mga nagtitinda.
Sana naman ay dito na kumilos ang mga local government officials, pwede naman silang pagbigyan kung tutuusin, pero wag namang umabuso at iba na ang perwisyuhin.
Ilagay na lang sa ayos.