Lumang porcelain vase na akala ay walang halaga, naibenta ng $85 M

MAGKASUNOD NA NAMATAY ang mga magulang ng magkapatid sa Pinner, UK. Makaraang mailibing ang kanilang mga magulang, ipinasya nilang linisin ang lumang bahay ng mga ito. Ang magkapatid ay may sari-sarili nang bahay kaya hindi na sila gaanong nag-interes sa bahay ng mga magulang. Ngayong wala nang mag-aasikaso sa bahay ipinasya ng magkapatid na linisin at ibenta ang anumang mapapakinabangang gamit.

Maraming bagay sa loob na maaaring ibenta. Nakita nila ang isang lumang porcelain vase na nasa sulok ng bahay at ma­raming alikabok. Sabi ng lalaking kapatid, kaunti lang ang halaga ng lumang vase. Mura lang tiyak iyon kapag ibibenta nila.

Kinabukasan, naghanap sila ng local auctioneer para ma-appraised ang mga bagay na ibibenta nila. Dinala nila ang mga iyon sa Bainbridges na nasa Ruislip.

Ganoon na lamang ang pagkagulat ng magkapatid nang ma­laman ang value ng lumang vase: nasa 800,000 pounds hanggang 1.2 million pounds daw iyon at maaari pang tumaas kung idadaan sa bidding.

Lalong nagulat ang magkapatid sapagkat mara­ming nag-bid. Pa­wang mga Chinese ang sumali sa bidding. Sa loob ng 30 minutes, umabot iyon sa 43 million pounds..

Maraming nagkainteres sa lumang vase sapagkat iyon pala ay ginawa noon pang 18th century Qianlong-dynasty. Maraming naghahanap ng porcelain vase na iyon dahil sa husay ng Chinese artwork.

Nang matapos ang bidding, umabot sa 53,105,000 pounds o katumbas ng $85 million ang lumang vase na ang akala ay walang halaga. —www.oddee.com—

Show comments