Thanksgiving

ANG Thanksgiving ay siniselebra sa Canada kung Oktubre at Nobyembre naman sa Amerika. Tayong mga Pinoy ay walang Thanksgiving Celebration. 

Nagtanong ako sa ilang tao kung ano ang mga bagay na ipinagpapasalamat nila:

“Nagpapasalamat ako sa aking mga hobby. Nababalanse ang aking pagkatao at napapakalma ako ng mga ito kapag grabe na katambak ang aking mga trabaho. Ipinagpapasalamat ko ang pagkakaroon ng outlet na ganito.”

“Nagpapasalamat ako sa komunidad, mga grupong kinabibilangan ko. May sense of belonging ako kahit biyuda na ako. Naniniwala akong kung hihingin mo ang gusto mo ay ibibigay sa iyo. Pero ang mas nakakataba ng puso ay hindi mo pa man hinihingi ay ibinibigay na ito sa iyo ng mga tao sa paligid mo. Nakakakilig ang pag-aalala ng mga kaibigan, lalo na kapag tumatanda ka na. I am thankful for community and friendships.”

“Ipinagpapasalamat ko na mayroon akong pamilya - mga magulang na nagturo sa aking mangarap, mga kaibigang tumulong sa aking makamtan ang mga panaginip ko, ang aking asawa, kabiyak na sinuportahan ang aking mga pangarap, ang aking panganay na babae na naging dahilan at inspirasyon sa pagkamit ng mga pangarap ko.”

“Ipinagpapasalamat ko ang maliliit na bagay. Tulad ng paborito kong 3-in-1 na kape. Hindi buo ang araw ko kung hindi dito magsisimula.”

“Nagpapasalamat ako sa mga bagay na minsan kong pinangarap. Dahil sila ang nag-udyok sa aking lumabas sa aking comfort zone, kumilos at gawin ang mga bagay na akala ko ay hindi ko kaya.”

“Nagpapasalamat ako sa biyaya ng paglalakbay. Pinayaman ng traveling ang aking buhay at pagkatao. Ipinagpapasamat kong ako ay nakakapaglakbay nang malaya at may kakayanan na makita ang kagandahan ng mundo. Marami kong nakilalang tao na pinasiksik ang aking pagkatao.”

Narito naman ang ilang bagay na ipinagpapasalamat ko:

Bawat araw na gumigising ako sa piling ng aking anak. Bawat araw na bagong pag-asa at oportunidad ang dala. Bawat araw na mumumulat ako, humihinga at may lakas.

Ang pamilya at mga kaibigang walang humpay ang pagmamahal, pag-intindi at di masusukat ang suporta sa aking mga pangarap, pagsubok, kahinaan at maging tagumpay.

Sa dalawang oras kada araw (habang nasa school si Gummy) na ako ay nakakapirmi mag-isa, nakakapagmuni-muni, nakakapagbasa at nakakapagplano ng aming buhay at kinabukasan. Ipinagpapasalamat ko maging ang downtime dahil dito dumarating sa akin ang inspirasyon at bagong mga ideya. Higit sa lahat ay ipinagpapasalamat kong nakilala ko ang Diyos na pumulot sa akin nang ako ay nasa pinakaibaba. Salamat  sa pagmamahal, pagkakaibigan, katapatan at malasakit na tanging ikaw lamang ang makakapagbigay.

Sabi nila, the more you give thanks the more you will have things to thank for. Kaya magpasa­lamat ka kung gusto kong dumami pa ang ipagpapasalamat mo. What are you thankful for?

 

Show comments