NOONG Hunyo 2013, shock na shock ang mga pulis sa isang siyudad sa India nang makita nila ang nangyari sa kanilang bagumbagong police car. Wasak ang mga bintana, putol-putol ang wipers, puro gasgas ang katawan at nagkayupi-yupi ang hood, trunk at maski ang bubong. Kaiisyu lamang sa kanila ang police car kaya para silang pinagsakluban ng mundo. Tiyak na sila ang sasagot sa pagpapagawa ng police car at malaking halaga ang kakailanganin para maibalik sa bago ang sasakyan.
Dahil sa galit ng mga pulis, hinabol at hinuli nila ang tatlong kambing at saka kinulong sa cage. Kulang na lamang ay barilin nila sa galit ang mga kambing. Hindi iyon ang unang pagkakataon na mayroong sinira ang mga kambing. Nakatanggap na rin sila ng mga reklamo na maraming kambing ang naninira ng mga gamit.
Ayon sa mga nakakita, 12 kambing ang umakyat sa kotse at grabe itong pininsala. Nang dumating ang mga pulis, tatlong kambing lamang ang inabutan sa ibabaw ng police car.
Agad hinanap ng mga pulis ang may-ari ng mga kambing na si Mary Arogynathan, 37, at sinampahan ng reklamo.
Pinalaya rin naman agad ang tatlong kambing at pinaubaya sa Society for Prevention of Cruelty to Animals (SPCA).
Nang kapanayamin ang may-ari, depensa nito na may kasalanan din ang mga pulis sa nangyari. Hindi raw dapat ipinarada ng mga pulis ang sasakyan sa lugar na may mga gumagalang kambing. (–www.oddee.com)