Illegal gambling sa Maynila

KAPAG matining pala ang tabakuhan sa Maynila, aabot sa halos P500,000 ang makokolekta weekly sa mga ilegal na pasugalan at vendors ng mga tong collector ng hepe ng Manila Police District (MPD). Noong nakalipas na mga liderato ng MPD, ang halagang ito ay nababawasan ng halos P150,000 bunga sa gastusin tulad ng allowance at pagkain ng mga staff officers at empleado sa opisina mismo ng hepe ng MPD. Madagdagan ang kabawasan kapag may gastusin sa trabahong tinututukan ang mga piling tauhan ng hepe. Kaya ko naman nabuksan ang isyung ito kasi humahangos na nagkukuwento ang mga kosa ko sa MPD na medyo tumitining na ang takbo ng illegal gambling sa Maynila at mukhang nakalimutan na ni Mayor Erap Estrada ang pangako niyang ipasara ang pasugalan kapag nanalo siya. Nakaupo na si Erap kaya nabaon na rin sa limot ang pangako n’ya dahil bukas na bukas na sa ngayon ang video karera operation ni Gina Gutierrez at mga bookies nina Jeff Gomez, SPO2 Gener Presnedi at Delfin Pasya? Mismo!

At dahil sa sitwasyon ng pasugalan at vendors sa ngayon sa Maynila parang si MPD director Chief Supt. Isagani Genabe na lang ang sobrang masaya. Pinangatawanan na ni Genabe ang “no take” policy ni DILG Sec. Mar Roxas laban sa illegal gambling kaya walang allowance at pagkain ang staff officers at empleado sa opisina n’ya. Pero sa totoo lang, andyan naman sina Tuliao at Casabwatan na may mga tong collector na umiikot sa mga pasugalan nina Gutierrez, Gomez, Pasya at Presnedi. Kaya nagsara ng negosyo sina Apeng Sy at Erlan Samson ay dahil sa sobrang lupit ng mga alagang Doberman nina Tuliao at Casabwatan. Sa suma ng mga kosa ko sa MPD, aabot sa mahigit P1 milyon ang naiakyat nina Tuliao at Casabwatan sa amo nila kada buwan. Hehehe. Baka propaganda lang ito laban kay Genabe ah? Kung sabagay, ang tawag sa ngayon ng taga-MPD kay Genabe ay “imbudo.” Ewan ko ba kung ano ang ibig sabihin n’yan! Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!

Pero di ba meron pang tinatawag sa Camp Crame na Monthly Operating Expenses (MOE) at Additional Subsistence Allowance (ASA) para sa mga PNP commands? Sinabi ng mga kosa ko na ang nakatokang MOE sa MPD ay halos aabot ng P1 milyon samantalang ang ASA ay nasa P600,000 kada buwan. Kapag PMAer, siyempre halos buo ang MOE at ASA na matatanggap sa Comptroller sa Camp Crame subalit kapag hindi graduate ng PMA aba may bawas na ‘yan. Hehehe! May diskriminasyon pala sa MOE at ASA ng PNP, no mga kosa? Sinabi ng mga kosa ko na kalahati sa MOE ay nakaatang sa gasolina subalit sa kaso ng MPD hindi nila mababawasan ito dahil sa gas card na aabot sa P1 milyon na suporta sa kanila ng Presidential Management Staff (PMS). Subalit halos 20 mobile cars na lang ang umaandar sa MPD at karamihan pa ay naka-deploy sa police stations kaya malaki ang pondong gas na dapat matira, ayon pa sa mga kosa ko. Nagbigay din si Erap ng P1 milyon na operational fund sa MPD noong bagong upo siya? Saan napunta ang mga perang­ ito? Ahhh…maraming katanungan na si Genabe lang ang may kasagutan. Abangan!

 

Show comments