Lampong (476)

HINARAP ni Dick ang mga pulis na du­mating. Dalawa. Mga unipormado.

“Magandang umaga po Sir. Hinahanap po namin si Mr. Rey. May nakapagsabi po na dito sa inyong opisina nagtungo. May warrant of arrest po kami para sa kanya.’’

“A opo. Narito po siya. Puwede ko po bang ma­laman ang kaso niya? Iyan po ba ang tungkol sa gamot niyang naimbento na sinasabing peke?”

Nagtinginan ang dalawang pulis.

“A hindi po. Tungkol po ito sa rape case na isinampa sa kanya ng isang 15-anyos noong nakaraang buwan. Ang menor-de-edad po ay kapitbahay yata ni Mr. Rey. Statutory rape po kaya walang bail. Mabubulok po siya sa bilangguan.’’

Napamulagat si Dick. May kaso pa palang rape si Rey at menor-de-edad pa ang kanyang biniktima. Hindi niya akalain na rapist pala si Rey. Akala niya ay ma­buting tao.

“Puwede na po ba kaming pumasok para maisilbi ang warrant?” tanong ng isang pulis.

“A sige po. Pasok po kayo. Nandiyan po siya sa loob.’’

“Armado po kaya?”

“Hindi ako sure pero may napansin akong nakabukol sa bulsa. Hindi ko alam kung baril o cell phone.”

“Salamat po.”

Lingid kina Dick at mga pulis, habang nag-uusap sila kanina ay nagbabalak nang tumakas si Rey.  Hindi raw siya pahuhuli.

Tinungo niya ang comfort room at binaklas ang mga salamin sa bintana. Tumuntong siya sa lababo at mabilis na nakasampa sa bintana. Tumalon siya sa damuhan. Nagtatakbo pagawi sa taniman ng mga Uloy.

Nang mga sandali namang iyon ay natuklasan na nina Dick at mga pulis ang pagtakas ni Rey. Nakita nila ang bukas na bintana.

“Nakatakas siya!”

“Habulin natin!” sabi ng isang pulis at binunot ang baril.

“Sa taniman ng Uloy ang direksiyon niya,” sabi ni Dick. “Wala siyang lulusutan dahil palibot ng alambre!”

Mabilis na lumabas ang dalawang pulis para habulin ang tumatakas na si Rey.

Makaraan ang ilang minuto ay may narinig na sunud-sunod na putok sina Dick.

Sumugod si Dick ka­sama si Mulong sa pinag­mulan ng mga putok.

(Itutuloy)

 

Show comments