MARAMING aral na hinatid sa buhay ng mga Pilipino ang bagyong si Yolanda. Unang-una na ay ang agarang pag-alis sa lugar kung saan ay dinekÂlarang Signal No. 4 ang bagyo. Hindi sapat ang sabihing handa ang mga tao (lalo ang mga nasa tabing dagat) sa paparating na bagyo. Kailangan ay lumikas sa lugar at magtungo sa pinakamataas na lugar na hindi aabutin ng baha. Sa nangyaring pananalasa ni Yolanda sa Leyte at sa iba pang probinsiya sa Kabisayaan, totoo namang naghanda sila sa pagdating pero dapat ay lumikas sila sa lugar. Karamihan sa mga namatay ay nalunod nang magkaroon ng tinatawag na “storm surge†o buhawi na nagpaangat sa tubig dagat at dinala sa kalupaan. Sa tindi ng hangin ni Yolanda, umabot ng 10 feet at mayroong nagsabing kasingtaas ng punong niyog ang rumagasang tubig. Balewala nang sagasaan ng tubig ang mga bahay. Dinurog ang mga iyon. Sampung barges ang iniahon sa dagat at tinulak sa mga kabahayan. Nasa mahigit 2,000 ang patay sa pananalasa ni Yolanda.
Pero kung nailikas ang mga taong nakatira sa baybay dagat maaaring kakaunti ang namatay. Pero dahil nga nabalewala ang babala, marami ang napahamak. Isang leksiyon na dapat nang maiukit sa isipan nang marami. Tiyak na may kasunod pa ang pananalasa ng bagyo. Lumikas na habang maaga.
Malaking leksiyon din naman sa gobyerno ang pananalasa ni Yolanda. Inamin ng gobyerno na mabagal ang kanilang response sa mga biktima. Kung hindi pa binatikos ng foreign media ay hindi bibilisan ang kilos at magkakaroon ng sistema.
Leksiyon din sa gobyerno ang agarang pagde-deploy ng mga sundalo at pulis sa mga sinalantang lugar para mapigilan ang looters o mga magnanakaw. Leksiyon din ang pamamahagi ng relief goods na hindi na dapat idaan pa sa kung sinu-sino. Ipamahagi nang ipamahagi ang mga pagkain, gamot at damit para mapakinaÂbangan. Mas mahalagang magkalaman ang sikmura sa panahon ng kalamidad.
Sana matuto na ang lahat sa ginawa ni Yolanda.