KAHAPON, maraming residente sa Leyte ang nagnanais nang lumikas sa lugar upang matakasan na ang grabeng hirap, gutom at masangsang na amoy. Subalit hindi sila makaalis sa nasalantang lugar sapagkat kulang ang eroplanong maghahatid sa kanila. Marami ang nagmumura sapagkat napakahaba ng kanilang pinila subalit hindi makasakay sa nag-iisang C-130 plane na maghahatid sana sa kanila. Tila raw napakabagal nang pagkilos ng gobyerno at hindi sila agarang maalis sa lugar. Kitang-kita sa mukha ng mga residente ang matinding galit at pagkabigo sapagkat maaari raw silang mamatay habang hinihintay ang sunod na biyahe ng C-130 na hindi nila alam kung kailan babalik para sila isakay. Kailan daw matatapos ang kanilang paghihirap. Kahapon, nadagdagan ang kanilang pangamba sapagkat nanalasa naman ang Bagyong Zoraida na nagdulot ng pag-ulan. Ang dinaanan ni Super Bagyong Yolanda ang tinatahak din ni Zoraida.
Isang malaking problema rin sa mamamayan ang masangsang na amoy ng mga bangkay na hindi maÂilibing sapagkat kailangan daw munang maawtopsiya para makilala ng mga kamag-anak. Sabi ng Department of Health (DOH) hindi nila mairerekomenda ang maramihang paglilibing. Ayon pa rin sa DOH hindi naman daw agad magdudulot ng sakit ang mga hindi naililibing na bangkay.
Pero hindi ba dapat ay mabigyan ng proper preÂservation ang mga bangkay para hindi mangamoy? Sa tindi ng amoy ay baka magkasakit ang mga residente. Kung anu-anong sakit ang kakalat kapag hindi naisaayos ang mga bangkay. Ayon sa huling report, marami pang bangkay na hindi nakukuha sa mga nawasak na bahay at mga gusali.
Kamakalawa ay nagdeklara ng state of calamity si President Aquino. Ito ay upang mapabilis daw ang pagbibigay ng tulong sa mga nabiktima ng bagyong Yolanda.
Maraming naghihintay ng tulong sa mga lugar napinsala. Sana maging mabilis ang pamahalaan sa pagdalo sa mga kawawang biktima. Ang pagtutulung-tulong sa panahong ito ang mahalaga. Kailangang maÂtapos na ang paghihirap ng mga nabiktima ni Yolanda.