^

Punto Mo

‘Dagdag na arnibal at sago’

- Tony Calvento - Pang-masa

ANG bawat salita sa kontrata ay tila susi ng isang tahanan, makakapasok ka’t makakalabas kung sukat sa pinto ang iyong pinanghahawakang susi. “Sayang ang ibinayad ng anak ko. Sa laki ng kanilang kompanya hindi naman sila malulugi kung magdadagdag sila ng kaunti,” kwento ni Cory.

Paulit-ulit na nakipag-ugnayan si Socorro “Cory” Pattugalan­, 54-taong gulang, taga Quezon City sa tanggapan ng Camella Homes Bulacan. Ito ay tungkol sa hinihingi nilang konsiderasyon tungkol sa binibili ng kanyang anak na bahay at lupa.

Taong 2011 nang magpasya ang kanyang anak na si Charlene na nasa Hongkong na bumili ng bahay at lupa dito sa Pilipinas.

“Gusto niya kasing may sarili silang bahay kapag umuuwi dito. Nagtuturo siya ng wikang Ingles sa Hongkong,” salaysay ni Cory.

Madalas nilang mapanood sa telebisyon ang mga patalastas ng Camella Homes kaya naengganyo silang kunin ang bahay at lupa sa Bulacan. May lawak itong 99sqm at nagkakahalaga ng dalawang milyon at isang daang libong piso.

“Hulyo nang magbayad kami ng Php20,000 para sa reservation,” wika ni Cory. Ayon pa sa kanya hindi na daw ito maaaring bawiin.

Wala pang isang buwan agad naman silang nagbigay ng Php434,060 para sa down payment. Sampung taon dapat silang maghulog para makumpleto ang kontrata.Tatlumpung libong piso kada buwan ang magiging hulog nila.

“Nung 2012 nagbuntis ang anak ko. Maselan at laging nagkakasakit kaya umalis siya sa trabaho. Huminto na siya sa pagbabayad ng lupa’t bahay,” sabi ni Cory.

Nobyembre 2012  nagpadala ng sulat sa pamamagitan ng e-mail si Charlene sa tanggapan ng Camella Homes upang pormal na iparating ang kanyang pag-atras. “Naghintay ang anak ko ng sagot pero hindi naman siya pinansin,” pahayag ni Cory. Mismong si Cory na ang nakipag-ugnayan sa Camella Homes at sinabi sa kanya na wala silang makukuha mula sa ibinayad na down payment.

“Ipinagdidiinan nila na dapat daw umabot muna ng dalawang taon ang paghuhulog namin para may makuha kaming refund,” wika ni Cory.

Labing limang buwang nag­hulog sina Cory. Paulit-ulit umanong sinasabi sa kanila ng Account officer ng Camella Homes na si Ralph Cervantes na wala silang makukuhang kahit magkano dahil sa RA 6552 Realty Installment Buyer Act o ang Maceda Law. Naisip na ni Charlene na gumawa ng personal na liham sa Camella Homes noong Agosto 2013. Binigyan niya ng Special Power of Attorney (SPA) ang kanyang inang si Cory. Ang natitira nilang balanse ay mahigit isang milyon at pitong daang libong piso.

“Nag-text ako kay Ralph Cervantes kung ano na ang nangyari sa inilalapit namin. Nalaman kong Php51,583.73 lang daw ang maibabalik. Special approval lang daw yun dahil sa Maceda Law wala raw talaga kaming makukuha,” kwento ni Cory. Napag-alaman niya rin na nung Abril 2013 lang natapos ang paggawa ng bahay. Hindi naman daw nila ito maibenta dahil bumabaha sa bahaging yun ng Bulacan.

PARA SA ISANG PATAS na pamamahayag, nakipag-ugnayan kami sa Camella Homes at nakausap namin ang kanilang Account Officer na si Ralph Cervantes. Ayon sa kanya may kontratang pinirmahan sina Cory sa Camella Homes.

“Ang gusto nila bawiin lahat ng pera,” wika ni Ralph.

Dagdag pa niya nakipag-usap na siya sa head ng Camella Homes para ilapit ang hinihinging konsiderasyon nina Cory.

“Special approval ang ibinigay sa kanila ng head. Kadalasan dalawampung libong piso lang talaga ang binibigay namin. Maganda na yung kanila dahil malaki-laki,” sabi ni Ralph.

Nakabase naman daw sila sa batas.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12pm) ang kwentong ito ni Cory.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang pinakaimportante sa isang kasunduan ay hindi yung ganda ng ipinapangako sa iyo kapag ikaw ay kinukumbinsi. Kailangan mong bigyan ng pansin yung mga maliliit na letra na pagkadami-dami sa isang kontrata (fine print) dahil doon mo makikita kung gaano kasikip ang pinapasukan mo.

Maaaring kayo’y nakatungtong sa legal na lupa subalit hindi makatarungan. Moral ba na ganun kalaki? Ang gawin mong kabutihan sa isang kli­yente mo ay malalaman ng isangdaan pa at tiyak na mas sisikat pa ang inyong kom­panya. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

Sa gustong dumulog para sa inyong problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong­ mag-text sa 09213263166 (Chen), 09213784392 (Carla), 09198972854 (Monique) o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maari kayong lumiham sa pamamagitan ng email sa tocal13­@yahoo.com.

ACCOUNT OFFICER

CAMELLA

CAMELLA HOMES

CHARLENE

CORY

HOMES

MACEDA LAW

PARA

RALPH CERVANTES

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with