‘Riding-in-tandem karnaper’

MAY BAGO ng estilo ngayon sa pangangarnap ang mga pagala-galang kawatan. Kung dati, nakaabang lang sila sa mga parking area, garahe at sa gilid-gilid ng mga establisimyento, ngayon, nakikisabay na sila sa mga motorista sa lansangan.

 Sakay ng gamit nilang motorsiklo, madali nilang naisasagawa ang kanilang aktibidades at pambibiktima.

 Kung ikaw ay motorista, may kasama man o nag-iisa, target ka ng grupo.

 Sa umpisa hindi mo sila pag-iisipang mga karnaper. Maaari kasing hindi halatado sa kanilang aura o hitsura ang kanilang pakay. Subalit, pag nakahanap sila ng tyempo at oportunidad, agad ka nilang susunggaban.

 Ang siste, bago pa man nila ikasa ang maitim nilang balakin, sinasadya pa muna nilang batiin at kumustahin ang kanilang prospect victim.

 Nabisto ng BITAG ang ganitong uring modus matapos maglakas-loob na magsumbong ang isa sa mga nabiktima nila, ilang araw ang nakalilipas.

 Ayon sa mag-asawang biktima, binabaybay nila ang kahabaan ng kalsada sa bahagi ng Sta. Maria, Bulacan nang bigla silang parahin ng dalawang menor de edad. Tulad nila, sakay din ng motorsiklo.

Pagkatapat ng dalawang mga talpulano sa kanila, binati pa muna umano sila bago nagdeklara ng karnap.

Pagkaagaw sa manibela sa mga pobreng biktima, mabilis silang umeskapo sa lugar. Tila baga pag-aari nila ang sasakyan at mabilis itong pinaharurot palayo.

Ilang araw lang ang pagitan, nabalitaan ng mag-asawa ang ibinibentang motorsiklo sa kabilang barangay.

Dahil may kutob silang pag-aari nila ang ibinibentang motor ayon na rin sa mga deskripsyon, agad nila itong inalam at nakipag-ugnayan, kapwa sa mga suspek at awtoridad.

Dito na nagkaletse-letse ang mga kawatan. Ligtas na kasi sana ang mga sanggano subalit ang hindi nila nalalaman, ang mismong nabiktima pala nila ang kanilang pagbebentahan.

Hulog sa BITAG ang isa sa mga suspek. Nabawi ang ninakaw nilang motor pero ang mahigit apat na libong perang nakaipit sa ilalim ng upuan, naubos at naigasta na nila.

Paalala sa mga motorcycle rider, maging paladuda sa mga estrangherong lumalapit at pumapara sa inyo habang nagmamaneho.

Mabuti na ang nag-iingat kaysa maagawan ng motorsiklong pinaghirapan ninyong ipundar, lalo na at may naiulat ng kaparehong kaso.

Show comments