Si Erap at ang numero 13

NAGING parte na ng kasaysayan ng buhay ni Manila Mayor  Erap Estrada ang numero 13. Ang malungkot lang, hindi maganda ang naidulot sa kanya ng numero 13. Si Erap ang 13th president ng Pilipinas. Natanggal siya sa puwesto at minalas pa nang kasuhan ng plunder, kasama ang anak na si Sen. Jinggoy Estrada. Pero matapos makatanggap ng clemency kay da­ting President Gloria Arroyo, nakabawi naman sina Erap at Jinggoy. Si Erap nga ay nahalal pang mayor ng Maynila samantalang si Jinggoy ay naging senador din. Ang malungkot lang, nakasuhang muli si Jinggoy dahil sa PDAF na ang bida ay si Janet Lim Napoles. Pero sa tingin naman ng mga kosa ko, ang malas ni Jinggoy ay hindi kasama sa numero 13. Mismo!

Nitong nakaraang araw, kumalat ang balita na natalo si Erap sa disqualification na ikinasa ni dating Mayor Alfredo Lim laban sa kanya sa Supreme Court sa iskor na 13-2. Hayan, may 13 na naman. Mauulit na naman kaya ang kamalasang dinanas ni Erap sa kamay ng numero 13? Ano sa tingin n’yo mga kosa? Kung sabagay, kahit malakas ang ugong na talo si Erap sa SC hindi pa sigurado ito hanggang hindi pa naibaba ang pinal na desisyon, di ba mga kosa? Kung ang pagmamadali ng mga tauhan ni Erap sa pitsa sa City Hall ang gagawing basehan, mukhang nakarating na rin sa kampo nila ang balitang 13-2. Kasi nga umaangal ang mga supplier sa City Hall sa ngayon sa kaltas na 10 percent sa pera nila at thank you na rin ang butal. Hindi lang ‘yan, ang reklamo pa ng mga Manilenyo, mas brutal sa ngayon ang City Hall pagdating sa pitsa kumpara noong panahon ni Mayor Lim. Ano ba ‘yan? Kapag totoo ang balitang 13-2, ibig sabihin n’yan aabutin din ng malas si Erap sa ngayong 2013. Hayan, may numero 13 na naman mga kosa. Hehehe! Mukhang semplang talaga si Erap sa numero 13, ano sa tingin n’yo?

Pero marami naman sa mga kosa ko ang nagsasabi na ang malas ni Erap ay may kinalaman sa pulitika. Kung sina Jinggoy, Sens. Ramon Revilla at Johnny Enrile ay pilit na isinasabit sa PDAF, ‘yan ay dahil naulinigan ng Palasyo na may balak sila o malaki ang magiging papel nila sa darating na 2016 election. Dahil sa pagsabit nina Jinggoy at Bong sa PDAF, maaring matagal pa bago sila makabangon. Kaya imbes na si Jinggoy ang tatakbong vice president sa tiket ni Vice Pres. Rambotito Binay, si Erap ang balak nilang ikasa. Aba sobrang lakas ng tandem na Rambotito-Erap, di ba mga kosa? Kaya ginigiba na rin si Erap ng mga “unseen hands’ at kayo na ang maghusga kung kasama na rito ang desisyon ng SC na 13-2. Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!

Ang tanong, sino ang papalit kay Erap pag natalo siya sa SC? Si Lim ba o si Vice Mayor Isko Moreno? May mga lumang desisyon kasi ang SC na hindi ang nagreklamo ang uupo kundi ang nanalong vice mayor. Sana hindi sa Nob. 13 ilabas ng SC ang desisyon sa disqualification ni Erap. Pag nagkataon, baka isumpa na ni Erap ang numero 13. Abangan!

 

Show comments