Mga ‘Alalay’ ni Superman

BUMAON sa putik ang gulong ng kotse ng isang lalaki nang ipasok niya ito sa maputik na daan ng baryo na kanyang bibisitahin. Hindi niya akalaing ganoon kalambot ang lupa kaya’t kahit maputik ay tumuloy pa rin siya. Humingi siya ng tulong sa isang magsasaka na napadaan sa kanyang kinaroroonan.

“Ah, walang problema d’yan. Kayang-kayang iahon iyan ni Superman,” sabi ng magsasaka.

Kalabaw pala si Superman. Walang inaksayang oras ang magsasaka. Nilagyan niya ng tali ang kotse.  Ang isang dulo ng tali ay ikinabit naman niya nang buong higpit sa katawan ng kalabaw. Maya-maya ay sumigaw ang magsasaka.

“Batman hila... sige hilahin mo pa... Hercules, sabayan mo si Batman... sige hila pa... Superman, sige hila pa... isa...dalawa... tatlo!!!”

Sa bilang ng tatlo ay naiahon ni Superman ang kotse mula sa pagkakabaon. Habang tinatanggal ng magsasaka ang tali sa kotse at sa kalabaw ay nagtanong ang lalaki.

“Bakit binanggit mo muna ang pangalang Batman tapos si Hercules bago mo sigawan si Superman na hilahin niya ang kotse?”

Napangiti ang magsasaka. “Sir teknik lang ’yun. Bulag si Superman. Akala niya ay may Batman at Hercules siyang katulong sa paghila. Ang akalang iyon ang nagpapalakas sa kanya upang makaya niya ang bawat gawain, gaano man ito kabigat.”

Maging positibo sa pananalita dahil ang resulta nito ay positibong aksiyon.

Ang aksiyon ay nagiging habits,

Ang habits ay nagiging lifestyle,

Kung ano ang iyong lifestyle, iyon ang kahihinatnan ng iyong buhay. Kaya para magtagumpay, maging positibo, sa simula pa lang.

Show comments