Nakakaalarma ang tumataas na mga kaso nang pambu-bully lalo pa nga at nauuwi sa pagkabuwis ng buhay.
Hindi lang ’yan, pabata nang pabata ang mga nasasangkot sa ganitong insidente at nagiging bayolente talaga.
Kasalukuyan pa ring nakaratay sa Children’s Hospital sa lungsod Quezon at nasa kritikal pa ring kondisyon ang 9-anyos si Fred Aston Mendoza, mag-aaral sa Tañong Elementary School sa Malabon.
Si Fred ay dumanas ng pambu-bully sa dalawa niyang kamag-aral na nasa edad 11 at 9-anyos.
Iniulat na tinadyakan ng mga paslit na suspect si Fred kung saan ay napuruhan ang atay nito na naglagay sa kanyang buhay sa panganib.
Ayon sa mga awtoridad, posibleng managot ang mga magulang ng idinadawit na bata sa insidente ngunit hanggang sa aspeto lamang ng kasong sibil at hindi maaaring umabot sa kasong kriminal.
Sa Malabon din, isa pang insidente ng bullying ang naitala, ito ay makaraang buhusan ng softdrinks sa ulo ng isang 11-anyos ang kanyang kalaro na 6-anyos.
Nagresulta ito sa pagrarambulan ng dalawa kung saan nahagip ng bote sa ulo ang mas bata.
Sinasabing hindi lang ang dalawang insidenteng ito ang kaso ng bullying sa MaÂlabon, tinatayang nasa 7 na ang naitalang kasong kahalintulad nito.
Maging sa iba’t ibang panig ng bansa ay sinasabing tumataas ang insidente ng bullying kaya nga ito ang siyang naging daan para ipasa ang RA 10627 o ang anti-bullying law na kamakailan lamang ay piÂnirmahan ni PaÂngulong Aquino.
’Yun nga lang, hindi pa umano ito maipatupad nang husto dahil sa hindi pa tapos ang implementing rules and guidelines.
Marahil ay dapat na ring madaliin ang mga guidelines ukol dito para tuluyan na ring maipatupad ang batas at baka sakali, ay maampat ang pagdami ng kaso ng bullying lalo na nga sa mga paslit at menor- de-edad.
Makabubuti rin na maipaliwanag ito lalo na sa mga silid- aralan o sa mga mag-aaral para maging aware sila at malaman ang nakalaang kaparusahan sa mga nambu-bully.