Ng-ibang landasin

Lalong dumarami lalong kumakapal

Basura at duming nasa ating bayan;

Ang tuwid na landas na dapat lakaran

Napuno ng putik at yamang nalusaw!

 

Bakit nga ganito ang nangyari ngayon

Naging balewala pangarap ni Ninoy?

Mga ayudanteng pinili ni P-Noy

Ang siyang nagdulot ng dumi’t korapsyon?

 

Maganda na sana mga unang hakbang

Ng ating pangulo at gusto ng bayan;

Pero nang tumagal ang tuwid na daan

Hindi nakonkreto lahat nang lagusan!

 

Maraming lagusan ang hindi napansin

At doon lumusot ang maraming baliw;

Kaya ang panulat nag-ibang landasin

Tilamsik ng diwa’y nagbagong damdamin!

Show comments