NGAYON ang simula ng pangangampanya ng mga tatakbo sa barangay elections. Tatagal hanggang Oktubre 26 ang pangangampanya. Gaganapin ang election sa Oktubre 28. Ayon sa Commission on Elections (Comelec) maraming kandidato para sa barangay chairman. Sa loob ng tatlong araw na pagpa-file ng certificates of candidacy (COCs) umabot na sa 57, 674 ang nag-file para sa barangay chairmen at 467,196 para sa mga kagawad. Kahapon, huling araw ng pag-file ng COCs ay marami pang humabol.
Inaasahan na ang puspusang pangangampanya ng mga kandidato ngayong araw na ito hanggang sa Oktubre 28. Puspusan ang kanilang panunuyo sa mga botante. Magbabahay-bahay at ilalatag ang kanilang mga programa para sa barangay. Kanya-kanyang paraan para mahikayat ang mga tao sa barangay.
Tiyak ding magdidilim ang mga eskinita at kalye dahil sa dami ng mga campaign materials na naka-sabit at nakadikit sa mga pader at mga kable. Magmimistulang Krismas Tri ang mga puno dahil sa dami nang nakasabit na streamers at mga kung anu-ano pang materials ng kandidato.
Inaasahan naman ang pagsisikip ng trapiko dahil sa kabi-kabilang pangangampanya. Tiyak ding tatambak ang mga basura sa kalsada dahil sa pinamumudmod ng mga campaign materials. Maaaring magdulot ng baha kung mga basura ng kandidato ay magbabara sa mga imburnal o drainage.
Maraming ipapangako ang mga kandidato at maraming mabubulag. Hindi sana magkamali ang mga botante sa pagpili ng iboboto. Mas maganda kung titingnan ang record ng kandidato. Pakaisipin kung karapat-dapat ba siyang iluklok sa puwesto. Mahalaga sa iboboto ay kung ano ang magagawa nila sa barangay at mga tao. Hindi ba tiwali ang iboboto? Kailangang pag-isipang mabuti ang taong iboboto. Mahirap nang malinlang sa pagkakataong ito.