SINAMANTALA ng mga kotongero ang pagiging abala nina Interior Sec. Mar Roxas at Justice Secretary Leila de Lima nitong nagdaang mga araw. Si Roxas kasi mga kosa ay abala sa Zamboanga debacle at maaring madagdagan pa ang trabaho niya nitong lindol na tumama sa Bohol, Cebu at mga kalapit na lugar at si De Lima naman ay sa kaso ni pork barrel queen Janet Napoles at sa counterpart niya na si “Arlene†sa Supreme Court. Kaya habang inaatupag nina Roxas at De Lima ang mga trabaho nila, nag-iikot naman ang mga kotongero sa mga pasugalan sa buong bansa para ipangolekta ng lingguhang intelihensiya ang DILG at ang National Bureau of Investigation (NBI). Kapag inarok nina Roxas at De Lima itong aktibidad ng mga kotongero, hindi nalalayo na maaktuhan sila at sana makasuhan para hindi na pamarisan pa, di ba mga kosa? Mismo!
Para sa kaalaman ni De Lima, halos patagong nag-iikot para kumuha ng lingguhang intelihensiya ang mga taga-NBI noong kapanahunan ni NBI director Nonnatus Caesar Rojas. Ibig sabihin, takot ang mga kotongero kay Rojas. Subalit si Rojas ay nag-resign matapos akusahan ni President Aquino na may “ahas’ sa NBI na nagli-leak ng mga information kay Napoles, lalo na yung paglabas ng kanyang warrant of arrest. Sa pag-upo naman ni NBI OIC Medardo de Lemos, aba biglang naglutangan ang mga kotongero at hayun, kinakausap ang mga gambling lords para magkaroon ng lingguhang intelihensiya ang opisina niya. Get’s mo Sec. De Lima Ma’am?
Kung si Rojas ay may delicadeza itong si De Lemos kaya wala? Ano sa tingin n’yo mga kosa? Sa panahon ni Rojas, nakabangon na ng konti ang imahe nitong NBI subalit dito sa panahon ni De Lemos e mukhang pababa na namang muli. Sayang, di ba mga kosa? Ulit-ulitin ko, walong taon na nagsunog ng kilay sa kolehiyo ang NBI agents natin at yaon pala ang pasugalan lang ang aatupagin nila. Hehehe! Kanya-kanyang raket lang ‘yan!
Itong si Roxas naman ay puro “no take†ang isinisigaw sa mga police officials na naupo sa mga station, provincial, district at regional commands at mga support units. Kaya’t halos gerilya na lang ang operation ng mga gambling lords, lalo na sa Metro Manila, dahil sa walang puknat na raids na isinagawa ng mga bataan ni Roxas. Subalit nitong nagdaang mga araw, may mga kotongero rin na umiikot para raw sa DILG. Ano ba ‘yan?
Kung ang kapulisan ay seryosong sinusunod ang no take policy ni Roxas, bakit itong opisina niya sa DILG ay exempted sa alituntunin n’ya? Hindi pala parehas ang pagpapairal ni Roxas ng kanyang no take policy kung ang pag-iikot nina Jake Duling, Gerry Salustiano at iba pa ang gagawing halimbawa, di ba mga kosa? Ito palang si Jake Duling, na isang scrap dealer, ay management din ng video karera operation sa Muntinlupa City, Taguig at Las Piñas. At sino itong Nancy na pinoprotektahan ni Jake Duling sa Muntinlupa City? Pakibusisi mo nga ito Sec. Roxas Sir at tiyak hindi maganda ang matutuklasan mo. Kung nais ni Roxas na manalo sa darating na 2016 elections, dapat linisin muna niya ang kanyang bakuran sa mga kotongero para walang uling na maibato sa kanya sa panahon ng kampanya! Mismo!
Halos ilang araw na lang ay Pasko na kaya nananalasa itong mga kotongero at kaya negrereklamo ang mga gambling lords dahil sa sobrang taas din ng “take it or leave it†na tara sa kanila ng taga-NBI at DILG. Abangan!