Lampong (435)

HINDI humihinga si Mulong nang batakin ni Tandang Atong ang cobra mula sa butas. Wala man lang itong guwantes nang hatakin ang buntot ng cobra. Nang mahatak ay napakahaba! Walang kakilus-kilos ang cobra habang hawak sa buntot. Hindi makatuklaw. Balewala kay Tandang Atong ang paghawak sa cobra. Sanay na sanay ito.

Pagkaraan ay nakita ni Mulong na hinagip na ng matanda ang ulo ng cobra.

“Mag-ingat kayo sa cobra na ito. Ito yung pinaka­mabagsik na Philippine cobra.­ Kapag natuklaw nito, wala pang 15 minutos ay tigbak na ang tao. Mabagsik ang venom nito.”

“Mukha pong mabagsik nga Tandang Atong.’’

“Nakagat na ako ng ganitong klase ng cobra. Kung wala lang akong pangontra, baka natigbak na rin ako.’’

“Ano pong ginawa mo, Tandang Atong.’’

“Yang gamot sa kamandag ay kamandag din ang katapat. Umiinom ako ng dugo nito. Pero hindi lahat ng cobra ay puwedeng inumin ang dugo. Merong mabagsik ang dugo at puwedeng mamatay ang iinom.’’

“E ’yang cobra po na nahuli mo, okey bang inumin ang dugo?”

“Oo. Puwede ito. Basta maganda lang ang pagkakuha sa dugo. Meron kasi nasu­sugatan ang iba pang bahagi at humahalo sa dugo. Yun ang nakakalason.’’

“Ganun po ba?”

“E sino bang iinom ng dugo nito?”

“Kaibigan ko po.”

“Sige, ingat lang sa pagkuha ng dugo.”

Isinilid na ng matanda sa sako ang cobra. Tinalian nang mahigpit.

“Magkano po yan, Tandang Atong?”

“Bahala ka na.”

Dinukot ni Mulong ang dalawang libo sa bulsa at iniabot kay Tandang Atong.

“Ang laki naman nito!”

“Sige po Tandang Atong. Para sa iyo talaga yan.”

“Salamat, Mulong. Kapag may problema ka sa cobra, puntahan mo lang ako.’’

“Sige po aalis na po ako.’’

“Sa buntot mo hawakan ang cobra at hindi ka matutuklaw tapos hawakan mo ang ulo.”

“Okey po, Tandang Atong, salamat.”

(Itutuloy)

Show comments