SA mga lugar na maraming tao tulad ng mga pampublikong sasakyan, laging mataas ang posibilidad ng nakawan! Habang nagsisiksikan ang mga tao, ang mga kawatan kanya-kanya namang puwesto, nag-aabang ng tiyempo. Hindi na bago sa publiko ang panlalaslas, pandurukot at snatching sa mga bus.
Subalit, marami pa rin ang walang pakialam sa mga kaduda-dudang tao na pinag-aaralan ang kanilang mga kilos.
Si Jay, pasahero ng air-conditioned bus byaheng Makati, nabiktima ng mga snatcher habang pauwi sa kanyang tinutuluyan. Sumbong niya, panatag na nakaupo siya sa bus at nilalaro umano ang kanyang mamahaling cell phone nang biglang hablutin ng snatcher saka mabilis na pumara at tumakas.
Walang nagawa si Jay kundi tingnan na lang ang mga tumatakas na snatcher tangay ang cell phone na naagaw sa kanya. Pasalamat na lang ni Jay na hindi siya sinaktan ng mga snatcher.
Paalala ng BITAG sa mga pasahero, huwag magpapakita ng cell phone habang nagbibiyahe. Mainit ito sa mata ng mga snatcher dahil alam nilang papakinabangan ito.
Kung talagang hindi maiiwasan, gamitin na lang ang inyong cell phone nang patago upang hindi maging mitsa ng krimen.
***
Sa iba pang anti-crime tips, manood at makinig ng Bitag Live! araw-araw tuwing 10:00-11:00 ng umaga sa AKSYON TV Channel 41 at Radyo 5 o via live streaming sa www.bitagtheoriginal.com/bitagsaradyo. Sa mga episode ng Pinoy-US Cops-Ride Along at Bitag, mag-log on sa www.bitagtheoriginal.com.