Lampong (416)

“NAALALA mo na ba kung sino si Pac, Jinky? Sabagay kahit na maalala mo siya, wala na ring halaga. Papatayin din naman kita dahil sa ginawa n’yo sa aking ama. Masyado n’yong kinawawa ang aking ama, alam mo ‘yun? Masyadong brutal ang pagkakapatay sa daddy ko. Magbabayad kayo ng asawa mo sa ginawa sa daddy ko.’’

Sinikap magpaliwanag ni Jinky ukol sa mga nangyari.

“Pero ang daddy mo ang nagsimula nang lahat. Gusto niyang pinsalain ang aming itikan. Pinasabog niya ang kamalig at muntik nang ma­patay ang asawa ko at kaibigan niya. Tinangka rin niya akong gahasain at patayin. Iniligtas lamang ako ng aking asawa. Ipinagtanggol lamang niya ang sarili. At bukod doon, siya rin ang nagkakalat ng shabu sa aming barangay. Nagkaroon ng mga drug addict sa aming barangay dahil sa kagagawan ng daddy mo. Salot ang daddy mo! Salot!”

Nilapitan siya ni Franc at sinabunutan saka sinampal nang dalawang beses. Tulig si Jinky. Halos sumabog ang eardrum niya sa lakas ng sampal ni Franc. Baliw na nga yata ang hayop !

‘‘Huwag mong tatawa-ging salot ang daddy ko! Napakabuti niyang ama. Wala siyang kasingbuti. Papatayin kita kapag sinabi mong salot ang daddy ko.”

Pero hindi na napigilan si Jinkty sa pagsasalita. Patayin na siya kung papatayin.

“Salot sa kabataan ang daddy mo. Masahol pa siya sa hayop. Marami siyang ginawang kasamaan sa Bgy. Villareal. Siya ang lumalason sa mga alaga naming itik.’’

Pinagsasampal uli siya. Pero lumaban na si Jinky. Nagsisigaw na rin siya. Wa­lang patlang na sigaw.

Mabilis na tinakpan ni Franc ang bibig niya.

“Sige, tingnan ko kung makasigaw ka pa, ha-ha-ha!’’

Nagpipiglas si Jinky at binabaklas ang palad ni Franc.

“Sige, sigaw! Sigaw!”

Hindi na makahinga si Jinky. Napalakas ni Franc. May nakalukob na nga sigurong demonyo.

“Alam mo bang wala nang ulo ang daddy ko nang matagpuan siya. Wala na rin siyang “ari”. Pinutol na ng hayop na asawa mo.”

Hilakbot si Jinky. Hindi si Dick ang may kagagawan niyon. Tinamaan pa nga si Dick sa tiyan. Hindi magagawa ni Dick ang ganoon kabrutal. Maaaring mga taong may malaking galit kay Pac ang gumawa niyon. Maaaring mga taong ang anak, apo, kaibigan ay naging addict dahil sa shabu na ikinalat ng salot.

‘‘Kung ano ang ginawa kay Daddy, ganun din ang gagawin ko, ha-ha-ha!’’ sabi ni Franc na ang halakhak ay halos magsikip sa bahay.

(Itutuloy)

Show comments