TUMULOY sa Humani Lodge sa Zimbabwe ang 40-anyos na si Guy Whittall. Pagod na pagod siya sa maghapon kaya madali siyang nakatulog. Sa sarap ng tulog ay kinaumagahan na siya nagising. Wala siyang kamalay-malay na nasa ilalim ng kama niya ang 330 lbs. na buwaya. Kasama niyang natulog sa magdamag ang buwaya.
Kinaumagahan, naupo pa sa gilid ng kama si Whittall. Nakalawit pa ang kanyang mga paa. Wala pa rin siyang kamalay-malay na nasa ilalim ng kama ang buwaya.
Makalipas ang isang oras, kumatok at pumasok ang babaing tagalinis ng mga kuwarto ng hotel. Hinayaan ni Whittall ang babae na linisin ang kuwarto. Nanatili naman siyang nakaupo sa gilid ng kama at nakalawit ang mga paa.
Hanggang sa magsisigaw ang babae habang nakasilip sa ilalim ng kama. Nagulat si Whittall sa pagsigaw ng babae at nang tanungin niya, sinabi nitong may buwaya sa ilalim ng kama. Biglang itinaas ni Whittall ang kanyang mga paa sa kama para hindi masakmal ng buwaya.
Agad ipinagbigay-alam sa mga namamahala ng hotel ang buwaya at hinuli ito. Pinaniniwalaan na ang buwaya ay nanggaling sa Turgwe River na malapit lang sa hotel.
Ayon kay Whittall, nagpapasalamat siya at hindi nasakmal ang kanyang mga paa habang nakalawit sa kama. Paalala niya sa mga tutuloy sa Humani Hotel na i-check muna ang ilalim ng kama bago matulog.