PANANAGUTIN daw sa batas ang mga naarestong miyembro ng MNLF-Misuari faction na lumusob sa Zamboanga City. Kung papanagutin ang MNLF, dapat papanagutin din ang intelligence community ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) dahil nalusutan sila ng MNLF.
Hindi dapat palampasin ang kapalpakan ng AFP at PNP dahil napakalaki ng pinsala ang idinulot sa taumbayan. Sa paglusob ng 200 MNLF members madali sana silang napansin at napigilan kung maÂgaling ang intellignce ng gobyerno. Ikalawang beses na ito ng kapalpakan ng inteligence community ng AFP at PNP. Una ay noong makapuslit ang mga sundalo ni Sultan Kiram sa Sabah na nagdulot ng kaguluhan doon.
Kung walang papanagutin sa kapalpakan, hindi titino ang military at pulisya. Mauulit ang kapalpakan na ang dehado ay ang taumbayan.
Kung natunugan ng military ang MNLF, hindi na makaÂkapasok ang mga ito sa city proper. Maaring nagkabakbakan sa malayo at walang nadamay na sibilyan at nasirang mga bahay at gusali.
Dapat namang linawin ng Malacanang ang sinasabing tulong sa rehabilitasyon ng mga ari-arian o bahay ng mga residenteng naipit sa kaguluhan. Ayon kay Presidential spokesman Edwin Lacierda, handa raw tumulong ang national government sa rehabilitasyon ng mga bahay na nasunog at nawasak dahil sa labanan. Idetalye ng Malacañang kung anong klaseng tulong --- kung ito ay sa pamamagitan ng pinansiyal at kung magkano para hindi umasa ang mga biktima ng Zamboanga crisis.
Nakalulungkot naman na dahil sa estratehiya ng crisis committee na pinangunahan ni DILG secretary Mar Roxas ay maraming namatay na sibiliyan at sundalo. Kung sinubukan muna ang ceasefire at nakipag-usap sa MNLF, naiwasan sana ang pagbubuwis ng buhay. Unahin ang pag-iingat sa buhay ng mamamayan lalo na ang mga naipit sa labanan.
Ikawang krisis na ito na nahawakan ng Aquino administration. Ang una ay nang mang-hostage ng Hong Kong tourists ang isang dinismis na pulis noong Agosto 2010 kung saan walong turista ang napatay. Naganap ang hostage taking sa loob ng bus sa harap ng Quirino grandstand sa Luneta. Nakita noon ang kapalpakan ng mga otoridad sa pag-handle sa sitwasyon. Naulit muli sa Zamboanga.