Ang Lalaki sa Postcard
Nasa Holland si Muriel Wilson nang ibalita sa kanya na namatay na ang kanyang ama na naninirahan sa Natal, South Africa noong April 1967. Nasa business trip ang asawa ni Muriel at ang kinaroroonan nito ay malapit sa South Africa. Pinakiusapan niya ang kanyang mister na siya na lang ang magpunta sa burol ng ama.
Sa airport, naisipan ng mister na bumili ng postcard at kaagad itong ipinadala sa kanyang misis. Ang postcard ay picture ng isang beach. Kaagad din natanggap ni Muriel ang postcard. Nang titigan niya ang card ay naroon sa postcard ang larawan ng kanyang ama na tila ba namamasyal sa beach. Hindi nakarating sa kanyang burol si Muriel kaya nagpakita na lang ang ama sa postcard.
Ang Matulunging boses
Ang kuwentong ito ay nalathala sa 1997 British Medical Journal. Isang babae ang nakarinig ng boses sa kanyang utak habang nagbabakasyon sa ibang bansa. Inutusan siya ng boses na bumalik na sa kanyang tahanan sa London para magpatsek-ap sa doctor. Nagtaka ang babae dahil wala naman siyang sakit. Ano ang kanyang dapat ipatsek-ap?
Pagbalik sa London ay ibinigay ng boses ang eksaktong address na dapat niyang puntahan para magpatsek-ap. Nang puntahan ang address, iyon pala ay Brain Scan department ng isang ospital. Sa kabila ng pagtataka, lumapit siya sa isang doctor para magpa-brain scan. Pagkatapos ng pagsusuri, napag-alaman na may brain tumor pala siya kahit walang lumabas na sintomas. Kailangan siyang operahan kaagad dahil namamaga na ang kanyang brain stem. Kung hindi maaagapan ay maaari niya itong ikamatay.
Pagkatapos operahan ang babae ay nagpaalam ang boses at sinabing tapos na ang kanyang misyon. Ang babae ay tuluyan nang gumaling.