EDITORYAL - Ba’t ngayon lang pumiyok ang COA?
ILANG linggo nang pinag-uusapan ang tungkol sa maanomalyang P10-bilyon pork barrel scam na ang “utak†ay si Janet Lim-Napoles. Marami nang nasangkot na mga mambabatas at nayanig ang mamamayan sa laki ng ibinulsang pondo na nanggaling sa binabayad na buwis. Pero tila atrasado ang pagkilos ng Commission on Audit (COA) sapagkat kailan lang sila naglabas ng special report ukol sa misuse ng pork barrel fund ng mga mambabatas. Nagpatawag ng press conference si COA Chairman Grace Pulido-Tan noong nakaraang linggo at inilabas ang special audit ng disbursement ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng mga mambabatas mula 2007 hanggang 2009. Ayon sa COA Chairman nagulat siya sa kinalabasan ng audit. Isa sa mga nakagulat ay ang P3-billion pork barrel na nareleased kay dating Compostela Valley Rep. Manuel “Way Kurat†Zamora.
Subalit lumalabas na mali ang report ukol kay Zamora. Mismong ang Department of Budget and Ma-nagement (DBM) ang nagsabi na mali ang item ukol sa dating mambabatas. Marami umanong error sa report at halatang minadali. At nakapagtatakang ang para sa 2007-2009 lang nagkaroon ng pag-audit. Bakit hindi kasama ang 2010 hanggang sa kasalukuyan?
Tungkulin ng COA na taun-taon ay magsagawa ng pag-examine at pag-audit sa mga ginastos ng gobyerno. Mayroon silang kapangyarihan na gawin ito. Lahat nang paggamit ng pondo ay nararapat na sinasala at mabusising sinisiyasat kung tama ang pinagkagastusan kalakip ang mga resibo at iba pang katibayan. May karapatan silang kuwestiyunin ang maling paggamit ng pondo.
Pero masyadong atrasado ang COA sa paglalabas ng report. Kung hindi pa nabuking ang P10-bilyon scam ni Napoles ay hindi sila kikilos at nang kumilos ay may mali pa sa report. Parang lumalabas na nag-react lang ang COA makaraang mangyari ang krimen. Ang ganito ay taliwas sa gusto ni President Aquino na pagtungo sa “tuwid na landasâ€.
- Latest