ABSUWELTO at hindi man lang nasabon ni President Noynoy Aquino si Agriculture secretary Proseso Alcala kahit nadawit sa P10 billion pork barrel scam ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles.
Napaka-suwerte ni Alcala dahil napaniwala niya nang husto si P-Noy. Hindi siya nagalaw sa puwesto kahit pa ang kanyang kinuhang assistant secretary na si Ophelia Agawin ay naunang nasangkot sa P738 million fertilizer fund scam noon.
Na-relieved na si Asec. Agawin sa kanyang ilang responsibilidad particular sa pag-a-accredit ng mga non government organizations (NGOs) na nilikha umano ni Napoles.
Pero si Alcala ay masaya at kampante pa rin dahil kasama siya ni P-Noy kahapon sa biyahe sa Davao City. Parang walang nangyari. Parang hindi nadawit sa pork barrel scam. Kung tutuusin, puwede siyang managot sa usapin ng command responsibility.
Napaka-suwerte talaga ni Alcala dahil napakabait ni P-Noy sa kaibigan kaya balewala ang mga ulat na pagkakadawit sa scam. Gayunman, dapat maimbestigahang mabuti si Alcala kung talagang siya ba ay nakinabang sa mga transaksiyon ng NGOs umano ni Napoles.
Pinangako ng Malacañang na kahit pa kakampi nila sa admiÂnistrasyon ay papanagutin kapag napatunayang sabit sa pork barrel fund scam.
Dapat namang magsagawa na ng imbestigasyon ang Senado at Kongreso hinggil sa pork barrel fund scam kahit pa may nasasangkot na senador at kongresista. Hindi naman sila lahat sangkot at mayorya pa rin ng mga senador at kongresista ang maaaring kumilos para sa imbestigasyon.
Umaasa ang publiko na magkakaroon ng maayos na reÂsolusyon sa pork barrel fund scam dahil ang pinag-uusapan dito ay ang pera ng taumbayan.