NOONG Huwebes, lumipad ang ilan sa cast members ng My Husband’s Lover sa Cebu bilang bahagi ng nationwide promo tour para magpasalamat sa aming mga tagasubaybay dahil sa pagiging number one primetime teleserye ngayon!
Na-delay ng dalawang oras ang aming flight pero the show must go on lalo at dalawang malls ang naka-schedule na bisitahin. Paglapag namin, mabilis na pananghalian ang naganap sa Zubuchon restaurant na may “best pig ever!†ayon kay Anthony Bourdain. Masarap din ang kanilang monggo na may halong curry! First time kong nakatikim ng santol juice.
Nagsepilyo at pabango lang kami tapos dumiretso na sa Gaisano Grand Mall sa Mactan para sa unang mall show. Hindi malilimutan ang mall show na ito. Tatlong palapag ng mall ang pinuno ng 11,000 katao! Dalawang oras kaming late dahil delayed ang flight pero hindi sila umuwi! Daghang salamat talaga!
Mula Gaisano, nagtungo kami ng SM Cebu kung saan 5,000 tao ang nasa food court! Wala yatang nakaupo at nakakain sa mga oras na naroon kami! Pati mga nasa baitang ng SM Mall ay mga nakayuko pababa sa amin. Paubos na ang boses namin pero nalimutan namin ang puyat dahil nakakahawa ang energy at pagmamahal ng crowd!
Natapos ang mall shows namin at nagtungo kami sa Ralfe’s Gourmet Chocolate Boutique para sa espesyal na dinner with the local press people of Cebu. Marami akong tsokolateng nakain dahil nakahain lang sa paligid. Naroon ang may-ari na si Ms. Raquel Choa at business partner na si Sir Edu Pantino na nagbigay ng trivia at lessons ukol sa tsokolate.
Lahat ng tsokolate sa Ralfe’s ay mula sa cocoa na locally grown at hand-crafted. Pinaka-nagustuhan ko ang alfajores na coated ng tablea, ang tsokolate-peanut butter spread at ang tablea tsokolate cake. Napakasarap din ng hot orange-tablea batirol! Sa Ralfe’s ko rin nakita ang pinaka-malaking chocolate fountain, gayundin ang kilalang chocolate painting! Bravo! Nakakaaliw ang cho-colate boutique! Wala talaga silang restawran dahil mga tsokolate lang ang tinitinda nila pero dahil ang mga anak nina Raquel at Alfred Choa ay mga baker at chef, nakapaghanda sila ng piging para sa cast at production ng MHL! Ang silid na aming kinainan, na akala ko noong una ay maliit na function room lamang ay isa palang silid-aralan para sa kanilang chocolate appreciation classes! Nakaka-proud!
Sa loob ng anim na oras, mahigit 16,000 ang na-meet namin at napakaraming natutunan. I love my job! Daghang salamat mga Cebuano!
Mahal na mahal giyud namin kayo!